'Fake news', napiling word of the year

ABS-CBN News

Posted at Nov 04 2017 03:57 AM | Updated as of Nov 04 2017 08:52 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

"Fake news" ang napiling "word of the year" ng Collins English Dictionary dahil sa malawak na paggamit sa kataga sa nakalipas na taon.

Ayon sa Collins, 2005 pa lang ay nasimulan nang gamitin ang fake news pero naging popular lang ito noong 2016 sa gitna ng US presidential elections.

Pamilyar na rin sa mga Pilipino ang salitang fake news.

Pero obserbasyon ng sociologist na si Jayeel Cornelio, iba ang pagtanggap ng mga Pilipino sa fake news.

"Iba yung karanasan natin ng fake news sa Pilipinas compared sa karanasan ng Amerika. Yung fake news bagaman malaki ang impact niyan sa social media, ang karaniwang batayan pa rin ng mga Pilipino ay TV, radio, at newspapaer," ani Cornelio. 

Naging sentro pa ng Senate hearing kamakailan ang paglaganap ng fake news sa social media.

"Nagiging mataas yung interes dito ngayon ng madla hindi dahil sa mismong content nito, pero kasi yung nagsasalita nito ay nasa posisyon," saad naman ni Ferdinand Jarin, propesor sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas sa UP Diliman.

Pero para kay Ellen Tordesillas ng Vera Files, dapat iwasang gamitin ang katagang fake news. 

"Pag sinabi mong news, totoo yun. Binubusisi natin kung tama o hindi...Ang fake at ang news, hindi yan magkasama. Dapat klaruhin natin na ang fake news, iyan ay kasinungalingan," giit ni Tordesillas.

Sa kabila nito, tiwala ang mga eksperto na may magandang maidudulot ang popularidad ng salitang fake news.

"Mahilig kasi ang Pilipino sa tinatawag na diskurso so hangga't may nakikita siyang mali o fake o [misinformation], nature nating maghanap ng mas totoo," ani Jarin.

Hamon din ito sa media na imulat ang publiko sa katotohanan. 

--Ulat ni Miguel Dumaual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.