Ilang OFW sa Middle East, biktima rin ng bank fraud

Maxxy Santiago, ABS-CBN Middle East News Bureau

Posted at Jan 12 2018 02:40 AM | Updated as of Jan 12 2018 09:33 AM

Watch also in iWantv or TFC.tv

KUWAIT - Ilang overseas Filipino workers sa gitnang silangan ang umano’y nawalan rin ng pera matapos maging biktima ng di awtorisadong withdrawals sa kanilang accounts sa isang bangko sa Pilipinas.

Masamang-masama ang loob ni Ruby Ann Tayson nang madiskubre niyang may nag-withdraw ng pera niya sa kanyang Kabayan Savings Account sa BDO habang hawak niya ang kanyang passbook at ATM sa Kuwait.
 
“P32,200 lahat ang nawala, tatlong beses siyang winidraw sa Mandaluyong as per customer service. Nalaman ko siya noong August 22, noong na-try ko nang buksan iyong BDO Online. Yung sa application na dinownload ko. Nawala siya nung August 22 pero yung withdrawal niya parang August 19,” sabi ni Tayson.
 
Sa Riyadh, Saudi Arabia, isa rin si Arnel Ragel sa mga Pilipinong nawalan ng pera dahil sa unauthorized withdrawal sa kanyang BDO Kabayan account.
 
Nadiskubre ni Ragel ang pagkawala ng kanyang pera nang maglilipat sana siya ng pera para sa pang New Year ng kanyang pamilya.

“Nawala sa account ko P10,788.57. Maliit na halaga lang siya kumpara sa ibang biktima na malaking halaga ang nawala sa kanila. Pero ang isyu rito, yung sinakripisyo mo para makapag-savings ka, yung hirap at pagod para makaipon lang,” kuwento ni Ragel.
 
Ilang pamilya ng mga OFW din ang naging biktima ng unauthorized withdrawal tulad ni Mitzi Menette Dy na nawalan ng P20,000 na padala ng kanyang asawang si Makoy na nagtratrabaho sa Oman.

“November 8 ko po siya nadiskubre pero ang transaction po November 6. Kailangan, kailangan din po naming ng pera. Kailangan po sa panggatas ng babies ko,” sabi ni Dy.

Sina Tayson, Ragel at Dy ay ilan lamang sa mga naging biktima ng unauthorized withdrawals. 

Sinubukan rin nina Tayson, Ragel at Dy na tumawag sa BDO Hotline, pero hirap umano silang makakontak.
 
Ayon sa BDO management, iniimbestigahan na nila ang pangyayaring ito. Maging ang Bangko Sentral ng Pilipinas ay nakatutok na rin.
 
“Ang panawagan ko sa BDO, nagmamakaawa po kami, lalo na po kaming mga OFW na nawalan ng pera sa account naming, isang agaran at saka mabilisang aksyon lang po,” hikayat ni Tayson.
Hiling naman ni Ragel na sana ay maibalik pa ang nawalang pera sa kanila.
 
“Hindi naman namin pinupulot ang pera rito. Pinaghirapan din namin yon. Binabawasan pa nga namin yong pinapadala namin sa pamilya naming para pag-uwi may konti kaming madudukot,” sabi niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.