Dating Pampanga mayor umalma sa anunsyo ng bird flu outbreak

ABS-CBN News

Posted at Aug 13 2017 12:45 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

MANILA - Pumalag ang isang dating alkalde ng Pampanga sa deklarasyon ng Department of Agriculture (DA) na mayroong bird flu outbreak sa bayan ng San Luis.

Sa panayam ng DZMM, iginiit ni dating Candaba mayor Jerry Pelayo na dapat hinintay muna ng DA ang resulta ng mga isinagawang pagsusuri ng Australia bago nila inanunsyong apektado ng bird flu outbreak ang naturang lugar.

"Ang pakiusap ko sana sa DA, bago sila magsalita at magbigay ng official [statement], siguraduhin muna. Nagpa-test sila ng Australia, sana hinintay muna ang result nun," ani Pelayo.

Lubha aniyang nababahala ang mga taga-Pampanga dahil apektado ng anunsyo ang bentahan ng poultry sa bansa gayundin ang 2.2-milyong produksyon nito ng itlog kada araw.

Hindi rin kumbinsido si Pelayo sa pahayag ng isang opisyal ng DA na dinala ng migratory birds ang avian flu virus.

"Ang mga migratory birds na dumadating dito, healthy birds iyan. Galing iyan ng Siberia, Australia, China -- hindi iyan makakarating ng Pilipinas kung may sakit," punto ng dating alkalde.

Dagdag niya, kadalasang dumadating ang migratory birds sa Pilipinas mula Oktubre hanggang Pebrero, kung kailan taglamig sa ibang bansa. Una nang sinabi ni Pampanga Governor Lilia Pineda na nito pang Abril nagsimula ang umano'y outbreak sa San Luis.

Nakatakdang katayin ng mga awtoridad ang nasa 200,000 manok, itik, pugo at kalapati mula sa 6 farm na apektado ng bird flu.

DZMM TeleRadyo, 13 Agosto 2017