Ilang Maute fighter, nakunan sa drone video

ABS-CBN News

Posted at Jul 17 2017 09:57 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Sa drone video na nakuha ng ABS-CBN ilang linggo na ang nakalilipas, makikita ang ilang miyembro ng Maute na tumatakbo sa isang kalsada ng Marawi. 

Ayon kay Lt. Col. Jo-ar Herrera, tagapagsalita ng Joint Task Force Marawi, patuloy nang nararating ng tropa ng militar ang mga lugar na pinagkukutaan ng mga terorista. 

Di pa rin humuhupa ang bakbakan sa pagitan ng mga sundalo at nalalabing Maute fighters.

May mga sunog ding sumiklab sa ilang bahagi ng lungsod. Dati nang sinabi ng militar na kadalasang nagsusunog ang mga terorista bilang pangontra sa opensiba ng mga sundalo.

Ayon naman sa acting fire marshal ng Lanao del Sur, maaaring nagkakaroon din ng sunog bunsod ng mga balang tumatama sa mga materyal na madaling mag-apoy.

Sa huling tala ng mga awtoridad, umakyat na sa 97 ang nalagas mula sa hanay ng gobyerno, habang 405 terorista na ang napatay sa bakbakan.

Hindi na nagbigay ng eksaktong petsa ang Joint Task Force Marawi kung kailan talaga matatapos ang gulo sa lungsod, pero tiniyak nilang ginagawa ng militar ang lahat para tuluyang matuldukan ang sagupaan.

-- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.