Ilang Grab at Uber driver, ipinetisyon ang patuloy nilang pagpasada

ABS-CBN News

Posted at Jul 16 2017 08:12 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Naglunsad ng online petition at signature campaign ang Transport Network Vehicle Services (TNVS) drivers para alisin ang suspensiyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board sa pag-iisyu ng prangkisa ng TNVS.

Isa ang Grab driver na si Janina Pineda na kabado sa banta ng LTFRB na huhulihin ang mga TNVS unit na walang 'provisional authority' o prangkisa.

Ayon kay Pineda, matagal na niyang naisumite ang mga requirement niya pero wala pa rin siyang provisional authority dahil sinuspende ng LTFRB noong nakaraang taon ang pag-isyu nito.

Kaya naman gumawa na ng hakbang ang mga TNVS driver.

Nagpapapirma ang mga TNVS driver sa mga pasahero para hingin ang kanilang suporta. Bukod sa signature campaign, naglunsad din ng online petition ang grupo sa pamamagitan ng 'change.org'.

Pero para sa mga taxi driver, dapat lang na mabawasan ang TNVS units dahil malaki umano ang nabawas sa kanilang kita mula nang mauso ang Grab at Uber.

Hindi naman nagbigay ng pahayag ang LTFRB kaugnay sa petisyon ng Grab at Uber. 


--Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.