Casa na inireklamo ng ‘pagsira’ sa ipinaayos na SUV, magpapaliwanag sa DTI

ABS-CBN News

Posted at Jul 14 2017 01:58 AM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Pagpapaliwanagin ng Department of Trade and Industry (DTI) ang casa ng Toyota Fairview matapos ireklamo ng isang may-ari ng SUV ang service center.

Imbes daw kasi na bumuti, lalo pa umanong dumami ang sira nang ipaayos niya ang sasakyan.

Nadiskubre pang ginamit din sa ‘driving lesson’ ang kaniyang SUV dahil sa kuha ng dash cam.

Nasa higit limang milyong views na ang video sa social media.

Nakasalalay ngayon ang accreditation ng Toyota Fairview bilang pagawaaan.

Payo naman ng DTI, may maaaring gawin ang mga consumer sa ganitong mga pagkakataon.

Puwedeng ilapit agad sa DTI ang reklamo, para matukoy kung may nalabag ang casa sa Consumers Protection Act.

Paliwanag ng DTI, malaki ang pananagutan ng service center at maaaring masampahan ng kasong kriminal o administratibo.

Ayon naman sa isang motoring expert at journalist, mainam na ilapit na muna sa casa ang reklamo bago i-post sa social media para mabigyan ito ng pagkakataong itama ang pagkakamali.

Ayon sa DTI, ngayon lang sila hahawak ng ganitong kaso.

Ipatatawag nila ang parehong kampo para mabigyang linaw ang nangyari.

Itinuturing namang ‘isolated incident’ ng Toyota Philippines ang nangyari.

Sa kanilang pahayag, humingi ng paumanhin ang kompanya at iginiit na hindi nila kinukunsinti ang ganitong gawain at nangakong aaksiyunan ito.

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.