SUV na ipinagawa, mas dumami ang sira

ABS-CBN News

Posted at Jul 12 2017 11:20 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Nagrereklamo ang isang may-ari ng SUV matapos ibalik sa kaniya ang ipinaayos na sasakyan nang mas maraming sira. 

Unang linggo ng Hunyo nang mabangga ng isang motorsiklo ang likuran ng Toyota Fortuner ni Tong Santos.

Dahil sa yupi, ipinasok niya ang sasakyan sa mismong service center ng Toyota Fairview.

Ang pangako noon ng service center, maibabalik ang sasakyan sa loob ng tatlong araw pero nang umabot na ng dalawang linggo, pinuntahan na ni Santos ang pagawaan.

Kuwento ni Santos, may gasgas umano na nakita sa dalawang pinto ng sasakyan niya pero wala umanong gasgas iyon nang dalhin niya sa casa.

Hindi pa naghinala noon si Santos pero nang kukunin na niya ang sasakyan noong Hunyo 27, naging malinaw na may iba pang naging bagong problema ang sasakyan.

May mga nasirang bahagi sa sasakyan na wala umano sa checklist ng service center nang iniwan niya ito. 

Sabi niya, nasira rin ang kaniyang rear camera at bawas na ang gasolina kahit pa full tank ito nang dalhin niya sa service center.

Ayon pa kay Santos, sinabi ng Toyota Fairview na may 3-month warranty naman umano para masolusyonan ito pero hindi nakumbinsi si Santos. 

Nakumpirma niya ang hinala nang mapanood ang kuha ng kaniyang dashcam.

Ilang beses na ginamit ang kaniyang sasakyan na pang driving lesson.

Limang araw lang o mula Hunyo 2-7 ang nakuhanan ng dashcam, na automatic na nagre-record kapag binubuksan ang sasakyan.

Dinig pati ang usapan at bara-barang paggamit ng automatic na sasakyan.

Pero dahil naputol umano ang wiring ng dashcam habang nasa service center, hindi na na-record ang mga nangyari mula Hunyo 8-27.

Agad inireklamo ni Santos ang nangyari sa Toyota Fairview at Toyota Commonwealth.

Sari-sari pang sira ang napansin ni Santos na kabisado ang mga detalye ng kaniyang sasakyan

Noong una, sinabi pa ng Toyota Fairview na aayusin nila ang lahat ng sira nang walang bayad, pero sa huli, inalok sila na papalitan na lang ang sasakyan.
 
Pero lumalabas na pagbabayarin pa ang may-ari para rito.

Ikinalungkot naman ng Toyota Motor Philippines ang insidente. Sa isang pahayag, sinabing nirepaso na nila ang video na naka-post sa social media, at lubhang nag-alala sa laman nito.

Giit nila, hindi nila kinukunsinti ang ganitong gawain, at nangakong aaksiyunan ito.

Humingi rin sila ng paumanhin at tiniyak na patuloy silang magbibigay ng pinakamainam na produkto at serbisyo sa kanilang customer.
-- Ulat ni Miguel Dumaual, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.