NPA, umatake sa Iloilo at Davao City

ABS-CBN News

Posted at Jun 19 2017 08:24 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Inatake ng New People’s Army (NPA) ang police station ng Maasin, Iloilo kahapon, Hunyo 18. Tinangay nila ang patrol car, mga baril at iba pang gamit ng mga pulis.

Kalauna’y iniwan din ang patrol car sa bayan ng Alimodian. Sumakay na raw noon ang mga rebelde sa isang pampasaherong jeep. Inakala pa ng jeepney driver na pawang sundalo ang mga pinasakay niya. Pero nagulat siya nang magpakilala silang mga rebelde.

Sinabi ng NPA na gumanti sila sa umano'y pangingikil ng mga pulis sa mga vendor at pagpapabaya sa ilegal na droga at sugal.

Ayon sa alkalde ng Maasin, hindi nagkulang ang lokal na pamahalaan na paalalahanan ang Maasin police na posible silang maging target ng NPA anumang oras. 

Sinibak na sa puwesto ang 23 pulis, kabilang ang hepe ng Maasin police station pati na rin ang provincial director.

Kinondena naman ng Palasyo ang pag-atake ng NPA sa police station. Nangyari ang insidente kung kailan nagkasundo ang National Democratic Front at gobyerno na pakinggan ang panawagan na itigil ang operasyon sa mindanao. 

Sa Davao City naman, napa-engkuwentro ang mga sundalo sa NPA. Ayon sa 3RD Infantry Battalion, galing sa katatapos na engkuwentro sa Marilog district ang mga sundalo. Pabalik na sana sila ng kampo sakay ng dalawang military truck, nang sumabog ang isang landmine sa kanilang dinadaanan.

Masuwerteng hindi sila napuruhan. Pagkatapos nito, pinapatukan na sila ng mga rebelde. Tumagal nang halos kalahating oras ang bakbakan.    Wala namang sugatan sa militar. 
     
-- Ulat ni Joyce Clavecillas, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.