Liham sa bayani: 2,000 'love letters' para sa mga sundalo sa Marawi

ABS-CBN News

Posted at Jun 19 2017 10:54 AM

Watch also in iWantv or TFC.tv

MANILA - Nagsulat ng love letters ang ilang high school students para sa mga sundalong lumalaban sa Marawi para magbigay sila ng inspirasyon at magpasalamat na rin sa kanilang kabayanihan.

Alam ng high school student na si Gabbee Pinga ang hirap na pinagdadaanan ng mga sundalo sa Marawi dahil sa mga napapanood nito sa balita.

Gusto n'yang magpasalamat sa kanila para sa serbisyo at sakripisyo nila para sa bayan kaya naisipan nitong magsulat ng love letter para sa mga sundalo.

"Thank you for putting others before yourself. You may have read about heroes while you were studying in high school. Please keep in mind that you are as great as the heroes in our textbooks. You deserve to be recognized," mababasa sa isang bahagi ng liham nito.

Naging inspirasyon si Gabbee ng kanyang guro na si Rina Araneta para kumalap pa ng mga liham mula sa mga estudyante sa iba-ibang paaralan.

"That's one way of developing patriotism in our children, our students," aniya.

Umabot na sa higit 2,000 liham ang nakalap ni Teacher Rina na ipapadala nila sa Marawi, kasama ng relief goods na binigay din ng pamilya ng mga estudyante.

Si Dr. Tiger Garrido na dati nang pumupunta ng Marawi para tumulong ang magdadala ng mga sulat doon ngayong Linggo.

Umaasa ang mga estudyanteng nagsulat ng love letters para sa mga sundalo na sa simpleng paraan ng pagpapasalamat ay mabigyan sila ng lakas at pag-asa dahil sariling buhay ang binubuwis alang-alang sa bayan.

ABS-CBN Umagang Kay Ganda, June 19, 2017

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.