5 patay matapos makipagbarilan sa mga pulis sa QC

ABS-CBN News

Posted at May 19 2017 12:13 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Lima ang patay matapos makaengkuwentro ang mga pulis sa magkahiwalay na insidente sa Quezon City.

Unang napatay ng rumespondeng pulis ang tatlong carjackers matapos makipagbarilan sa awtoridad.

Sa paunang imbestigasyon, sapilitang kinuha ng tatlong suspek ang P Four taxi na minamaneho ni Allan Diesta.

Sumakay ang mga suspek sa bahagi ng Katipunan at nagpahatid sa V. Luna. 

Pagdating sa V. Luna, doon na kinuha ang taxi mula sa driver.

Pumalag ang driver at lumabas ng taxi. Nakapagsumbong ito sa mga nagpapatrolyang pulis na agad inalerto ang lahat ng istasyon sa QC. 

Isang tawag umano ang natanggap ng Station 5 ukol sa kinakatay na taxi sa madilim na bahagi ng North Fairview na agad nilang nirespondehan.

Pagdating ng mga pulis, pinaputukan agad sila ng mga suspek kaya’t nauwi sa madugong engkwentro.

Dalawang kalibre .45 at isang kalibre .38 na revolver ang nakuha mula sa mga suspek.

Samantala, dalawang holdaper ang patay matapos itong makipagbarilan sa mga pulis sa Barangay Batasan Hills.

Sinita ng pulis ang mga sakay ng motorsiklo dahil wala itong plaka pero hindi sila huminto. Sa halip ay umarangkada pa ito ng takbo habang nagpapaputok.

Inabot ng mga pulis ang dalawang suspek hanggang masukol sa Masbate Street.

Una nang nagsumbong sa Batasan Police Station ang isang biktima na hinoldap ng mga suspek habang papauwi sa kanilang bahay.

Positibong itinuro ng biktima na ang napatay na suspek ang nambiktima sa kanya.

Dalawang kalibre. 45 baril ang nakuha mula sa mga suspek. – Umagang Kay Ganda, 19 May 2017

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.