Pulis, pinagbabaril sa labas ng simbahan sa Rizal

ABS-CBN News

Posted at Apr 28 2017 11:24 AM | Updated as of Apr 28 2017 11:30 AM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Patay ang isang pulis matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga salarin sa labas ng isang simbahan sa Rodriguez, Rizal. 

Mahigit isang linggo pa lang umanong nakadestino sa lugar ang biktimang si PO1 Junfil Lawas.

Ayon sa mga residente, alas 9 ng gabi nang umalingawngaw ang magkakasunod na putok ng baril sa labas ng isang simbahan sa Barangay San Jose, Rodriguez sa Rizal.

Nakita na lang nilang nakabulagta at duguan ang katawan ni Lawas na suot pa ang kanyang uniporme pero wala na ang kanyang service firearm.

Sa pagproseso ng Scene of the Crime Operatives (SOCO), hindi bababa sa pitong basyo ang nakuha.

Kuwento ng kasama ni Lawas na si PO3 Norman Tabugan, may dalawang lalaking nakamotorsiklo na pumunta sa presinto at nagpatulong sa biktima kagabi.

Saglit silang umalis, at nang makabalik na ng presinto, nakatanggap naman ng tawag si Lawas.

Dito na siya pumunta sa simbahan, kung saan nangyari ang pamamaril.

Dating nakatalaga sa Intelligence Branch ng Binangonan Police si Lawas.

Mahigit isang linggo pa lang nang inilipat siya sa Community Police Assistance Center ng Kasiglahan Village sa Rodriguez.

Nagluluksa ang mga kaanak ng biktima sa nangyari, lalo't siya lamang daw ang bumubuhay sa 3 nitong maliliit na anak.

Giit nila, walang bisyo at wala ring kaaway ang napatay na pulis.

Patuloy na iniimbestigahan ang insidente.

Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.