Alamin: Paano ang tamang paggalang sa watawat ng Pilipinas?

ABS-CBN News

Posted at Jun 13 2017 03:56 AM | Updated as of Jun 13 2017 01:52 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Sinisimbolo ng bandila ang kalayaan ng mga Pilipino, pero paano nga ba ang tamang paggalang sa watawat, at ano ang dapat iwasan nang hindi ito malapastangan ayon sa batas?

Marami nang naging bersiyon ang watawat ng Pilipinas. 

1998 nang isabatas ang kasalukuyang disenyo nito na may kulay dilaw, bughaw, at pula, tatlong bituin, at araw na may walong sinag. 

Nakasaad sa batas ang tamang pagrespeto at pagbibigay-pugay sa bandila

Ilan sa mga ipinagbabawal ay ang pagpunit o pagdungis sa watawat.

Bawal din itong gamitin bilang kurtina, mantel, pantakip sa anumang gamit o sasakyan, o para sa disenyo o label ng anumang kumpanya.

Hindi rin ito maaaring isabit nang pabaliktad, isuot o gamiting disenyo bilang costume o uniporme, at i-display sa ilalim ng anumang retrato o sa mga gimikan. 

Ipinaaalala naman ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) na ituro sa bawat tahanan ang kahalagahan at tamang respeto sa bandila. 

"Iyan basically ang tatak ng pagka-Pilipino natin. Iyan ay simbolo na dapat binibigyang pugay, binibigyang galang," ayon kay Ian Christopher Alfonso, history researcher ng NHCP. 

Dagdag pa ng NHCP, ang pagrespeto sa bandila ay paraan din ng paggunita sa mga bayaning nagsakripisyo para makamit ang kalayaang tinatamasa ng mga Pilipino ngayon. 

"Kung paano siya ginalang, paano siya nirespeto ng mga nauna sa atin, ganoon din sana ang respeto na ibigay natin,"

-- Ulat ni Miguel Dumaual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.