Bangkay na muling hinukay, 'umihi at dumumi'

Annie Pasion, ABS-CBN News

Posted at Sep 06 2017 03:35 AM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Naging misteryo para sa ilang kaanak ng isang pumanaw na bata sa Isabela ang anila'y pag-ihi at pagdumi ng bangkay ng musmos.

Kuwento ni Gina Jacinto, ina ng 4 na taong gulang na si Jenny Rose, nasawi ang kaniyang anak nitong Agosto 30.

Sa ospital pumanaw si Jenny Rose na dalawang araw daw nilagnat bago kinombulsiyon.

Inilibing ang labi ng bata noong umaga ng Setyembre 1.

Pero kinahapunan ng araw na iyon, pinabuksan nila ulit ang puntod dahil sinabihan daw ng isang albularyo ang mga magulang ni Jenny Rose na buhay pa ang bata.

Lalo raw silang nakumbinsing buhay pa ang bata nang mapansing malambot pa ang bangkay nito kahit dalawang araw nang patay.

Nagdesisyon ang mga magulang ni Jenny Rose na huwag nang ipa-embalsamo ang labi ng anak dahil sa pag-asang buhay pa nga ang bata.

Ayon pa sa ilang kaanak na magdamag nagbantay sa labi, umihi at dumumi pa ang bangkay ng bata.

Kinabukasan, tiningnan daw ulit ng albularyo ang bata at sinabing patay na si Jenny Rose.

Kaya nagdesisyon na rin noong ataw na iyon ang mga kaanak ng bata na muling ibalik din sa huling himlayan ang bangkay ng bata.

Hindi na sumangguni sa doctor ang mag-anak tungkol sa anila'y pag-ihi at pagdumi ng labi ni Jenny Rose.

-- Ulat ni Annie Pasion, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.