'P3' pautang, pangontra ng gobyerno laban sa '5-6'

ABS-CBN News

Posted at Jul 18 2017 04:09 AM | Updated as of Jul 18 2017 07:39 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Pitumpung probinsiya na ang nakikinanabang sa pautang ng gobyerno na 'P3' o 'Pondo sa Pagbabago at Pag-asenso'.

Inilunsad ng Department of Trade and Industry (DTI) ang programang ito dahil maraming Pilipino, lalo na ang malilliit na negosyante, ang nabibigatan sa pagbayad ng kanilang utang,

Nais din nilang bigyan ng kumpetisyon ang informal lenders o ’5-6’ na madaling magpautang pero nagpapatong nang mataas na interes. 

Sa ilalim ng programa, puwedeng umutang ng P5,000 hanggang P100,000 ang isang maliit na negosyante, sa di hamak na mas maliit ang interes. 

“Sa P1,000 na utang, kung sa '5-6', P200 ang babayaran na interes... dito sa amin P25 lang,” ani Undersecretary Zenaida Maglaya ng DTI Regional Operation Group.

Bukod sa nagpapautang na sa 70 probinsya ang 'P3' program, ginawa ring mas madali ang pag-utang basta't may negosyo o puwesto sa pamilihan.

Sa mga nais umutang, maaaring pumunta sa Negosyo Center ng DTI o sa kanilang accredited conduit institutions. 

Maaaring i-release ang pera sa loob ng isang araw at puwede ring araw-araw ang pagsingil.

Kasabay ng pagpapautang ng DTI sa mga maliliit na negosyante, nagbibigay din sila ng mga libreng training at seminar sa pagpapatakbo ng negosyo.

Para sa mga interesado, puwedeng tumawag sa Small Business Corporation 'P3' hotlines na (02) 813-5711 at (02) 751-1888.

-- Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.