Mga bilihin, maaaring tumaas ang presyo sa panukalang tax reform ng gobyerno

ABS-CBN News

Posted at May 20 2017 05:38 AM | Updated as of May 20 2017 03:25 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Nagbabala ang Bayan Muna Party List na tataas ang presyo ng produktong petrolyo at iba pang bilihin sakaling matuloy ang panukalang dagdag fuel excise tax kasabay ng pagbaba ng income tax. 

Babala ng Bayan Muna, sakaling maisabatas ang tax reform package ng gobyerno kasabay ng pagbaba ng income tax, papatawan ng P6.00 excise tax ang produktong petrolyo gaya ng LPG.

Tatlong piso ang ipapataw sa unang taon, P2.00 sa ikalawang taon at P1.00 sa ikatlong taon, ayon sa grupo.

Taya ng Bayan Muna, ang mahigit P500 na presyo ng LPG ngayon ay papalo ng mahigit P600 kapag napatupad ang panukala.

Ilang ulit nang iginiit ng mga nagsusulong ng panukala na hindi madadamay ang presyo ng mga bilihin sa dagdag-buwis sa petrolyo.

Sa datos ng Department of Finance (DOF), hindi aabot sa 3% ang itataas ng mga presyo ng bilihin at gastusin dahil sa dagdag buwis.

Tax reform, pabor sa mga single?

Bukod sa pagtaas ng presyo ng bilihin, sinabi rin ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate na tila pabor sa mga single ang tax package.

Sa panukala kasi, hindi na puwedeng ibawas sa buwis ang mga dependent, gaya ng mga anak. 

Sa datos ng DOF, mas malaki ang tax savings, o ang natitipid mula sa buwis, ng mga walang dependent kaysa ng mga may dependent, kahit pa man pareho sila ng taxable income na P500,000 kada taon.

Pero ayon sa mga kongresista, bawing bawi naman ang mga taxpayer dahil mas lalaki ang take-home pay sa pagbaba ng income tax.

Sa panukala, hindi kakaltasan ng buwis ang unang P250,000 na kinikita ng bawat empleyado. Bawas na rin ang mga dokumentong kailangang isumite.

Sa mga self-employed at professional naman, ipinako ng panukala sa 8% ang gross receipts kung wala pang P3 milyon ang kita sa isang taon. Kung lumampas naman ng P3 milyon ang kinikita, posibleng 30% na ang ibawas na buwis, katumbas na ng tax na kinakaltas sa mga kumpanya.

-- Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.