Grade 12 student sa Leyte, wagi ng P20M sa science competition

ABS-CBN News

Posted at Dec 08 2017 03:05 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nadagdagan pa ang pride ng bansa matapos magkampeon sa international science competition ang isang estudyante mula Leyte.

Gumawa ng science video ang 18 anyos na si Hillary Diane Andales bilang kaniyang entry sa Breakthrough Junior Challenge, isang international science competition.

Gustong patunayan ng estudyante mula sa Philippine Science High School - Eastern Visayas Campus na hindi totoong maraming estudyante ang nangangamote sa physics kaya ginawa niyang simple ang pagpapaliwanag sa isang konsepto ng siyensiya.

Screen grab mula sa entry ni Hillary Diane Andales sa Breakthrough Junior Challenge

“We think na ‘yung physics is all about equations. No, physics is about everything and it matters to everyone," ayon kay Andales.

Sa 11,000 entries mula sa 178 bansa, ang entry niya ang nagkampeon at nagkamit ng premyo na $400,000 o higit P20 milyon.

Gagamitin ang $100,000 pambili ng mga gamit sa kanilang school laboratory na ipinangalan na sa kaniya.

Para naman sa kaniyang guro ang $50,000 habang college scholarship ni Andales ang $250,000.

Ilalaan ang $100,000 mula sa premyo ni Andales para pambili ng mga gamit sa kanilang school laboratory na ipinangalan na sa kaniya. Sharon Evite, ABS-CBN News

Aminado si Andales na hindi naging madali sa kaniya ang tagumpay.

Napabilang siya sa top 6 finalists pero hindi siya nag-champion sa unang sabak niya sa kompetisyon noong 2016.

Sa kabila nito, hindi siya nawalan ng pag-asa kaya inspirasyon siya ngayon ng mga kapwa estudyante.

Umaasa si Andales na sana mas suportahan ng gobyerno ang siyensiya.

Candidate for valedictorian din si Andales pero mataas man ang mga naabot at kaya pang abutin, umaasa siya na marami pang kabataan ang mas magkakainteres sa physics gaya niya.

Isa sa mga pangarap niya ay makabuo ng science program kagaya ng “Sineskwela”. -- Ulat ni Sharon Evite, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.