Mga tarpaulin na may maling spelling ng 'Philippines,' pinabaklas

ABS-CBN News

Posted at Nov 10 2017 06:18 PM | Updated as of Nov 10 2017 07:35 PM

Mali ang spelling ng "Philippines" sa tarpaulin na makikita sa Roxas Boulevard para sa ASEAN Summit 2017. Photo courtesy of Katrina Yamzon

MANILA- Ipinabaklas na ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) ang mga tarpaulin o billboard na makikita sa Roxas Boulevard na may maling spelling ng "Philippines."

Nag-viral sa social media ang larawan ng mga tarpaulin na may nakasulat na "Welcome to the Philppines," kung saan kulang ng letter "i" ang spelling ng pangalan ng bansa.

Sa isang press conference nitong Biyernes, sinabi ni PCOO Assistant Secretary Kristian Ablan na ang mga tarpaulin na para sa gaganapin na Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit ay hindi aprubado ng National Coordinating Committee.

"The exact tarps and billboards seen in the areas leading to the MOA (SM Mall of Asia) Complex did not conform [with] the approved final artwork. We are currently investigating the circumstances surrounding the distribution and display of the subject tarps and billboards," ani Ablan.

"We have directed the immediate removal of the subject tarps or billboards," dagdag pa niya.

Paliwanag ni Ablan, umamin umano ang Department of Interior and Local Government-National Capital Region na sila ang naglabas at nagpaskil ng mga tarpaulin.

Tinanggal at pinapalitan na rin aniya ng DILG ang mga tarpaulin para itama ang spelling ng "Philippines."
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.