Buntis, nanganak sa van sa tulong ng nursing student

Rizza Mostar, ABS-CBN News

Posted at Oct 11 2017 04:07 PM

Photo courtesy: Amy Bacares

GOA, Camarines Sur - Nasubukan sa loob ng isang van ang tibay at dedikasyon sa magiging propesyon ng isang nursing student matapos nitong tulungang manganak ang isang pasahero.

Nag-viral sa social media ang larawan ng estudyanteng si JM Cabarle na may kargang bagong panganak na sanggol.

Tinulungan niyang manganak si Remelyn Frondoso nang makasabay nito sa sasakyan Linggo ng madaling araw.

Kuwento ni Rosauro Nacario, driver ng van, sinubukan nilang dalhin sa pinakamalapit na municipal hospital si Frondoso pero tinanggihan ito kaya't napilitan silang ibiyahe ito papuntang Naga.

Habang nagle-labor, tumaas ang presyon ni Frondoso. Pero nabawasan ang pag-aalala niya at ng asawang si Romnick nang sumaklolo si Cabarle.

Bago pa makarating sa ospital, nanganak si Frondoso bandang 6:45 ng umaga.

"Maraming salamat at natulungan niyo kami. Sana may matulungan ka pang iba," ani Remelyn.

"Kung hindi sa kanya kung wala siya doon baka nahirapan lumabas yung bata kasi wala naman ibang marunong doon," dagdag naman ni Romnick.

Nakauwi na sa kanilang bahay sa Barangay Panday sa Goa ang pamilya kasama ang malusog na si Vanessa Jane.

Dahil sa nangyari, naniniwala ang pamilya na suwerte ang dala ng sanggol.

Suwerteng sana raw ay madala ni Cabarle sa kanyang pagkuha ng board exam sa susunod na taon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.