Biriterong walang braso, paa ang gamit sa 'paghawak' ng mikropono

ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2017 12:40 AM

Paa ang ginagamit ng isang singer na walang braso para mahawakan ang mikropono tuwing siya'y bumibirit

Hindi naging hadlang ang kawalan ng braso ng 27 anyos na si Michael Sta. Ana upang siya'y magsumikap para sa pamilya.

Puhunan niya ang kaniyang boses na bukod sa ginagamit niyang pantawag ng pasahero sa isang bus terminal sa Bacolod, ginagamit niya rin sa pag-awit.

Kaya kinagigiliwan si Sta. Ana ng mga pasahero at driver.

Pinanganak na walang braso si Sta. Ana, na tubong Davao.

Napadpad daw siya sa Bacolod dahil sa dating trabaho sa perya.

Doon niya nakilala ang live-in partner na si Shane, na itinuturing ni Sta. Ana bilang kaniyang inspirasiyon kasama ang kanilang anim na taong gulang na anak.

Kuwento ni Shane, mahal na mahal niya si Michael sa kabila ng kapansanan.

Bukod sa araw-araw ng pagtatawag ng pasahero, suma-sideline din si Sta. Ana bilang pedicab driver.

Kahit kayod kalabaw, kinakaya pa rin ni Sta. Ana na magbigay-aliw sa mga tao sa pamamagitan ng pag-awit at pagbirit tulad ng kaniyang mga idolo.

Ilan lang sa kanila sina Renz Verano, Wency Cornejo at Ogie Alcasid.

Paa rin ang kaniyang ginagamit para "hawakan" ang mikropono.

Pangarap ni Michael na maiparinig ang kaniyang boses sa "Tawag ng Tanghalan" ng programang "It's Showtime."

Habang hinihintay ang pagkakataon, ipinagpapatuloy ni Sta. Ana ang pagkayod para sa pamilya at para magsilbing inspirasyon sa kapuwa.

-- Ulat ni Nico Delfin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.