VIRAL: Taxi driver na 'kahawig' ng Pangulo

ABS-CBN News

Posted at Oct 08 2017 07:51 PM

Nag-viral sa social media ang retrato ng isang taxi driver mula Davao na kahawig umano ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Tampok ang taxi driver na si Ponciano "Dodong" Veronas sa Facebook post ni Norman Talimongan, na umani na ng 12,000 reactions at mahigit 6,000 shares.

Kuwento ni Talimongan, sumakay siya kasama ang ilang kaibigan sa sasakyang minamaneho ni Veronas mula Crocodile Park sa Davao City noong madaling araw ng Biyernes, Oktubre 6.

Pinuntahan ng ABS-CBN News ang bahay ni Veronas sa Barangay Astorga sa Sta. Cruz, Davao del Sur.

Nakapanayam ng ABS-CBN News si Ponciano Veronas, ang taxi driver na nag-viral sa social media dahil kahawig umano nito si Pangulong Rodrigo Duterte. Kuha ni Madonna Timbal-Senajon, ABS-CBN News

Ipinakita ni Veronas ang itim na jacket na suot niya sa viral na mga retrato.

"Tinanong nila ako kung ako nga ba si Presidente, sabi ko hindi ako si President ... Enjoy na enjoy sila at panay ang kuha ng picture, natawa na lang ako sa kanila," ani Veronas.

Ibinahagi ni Veronas na madalas siyang mapagkamalan ng mga pasahero bilang si Duterte.

Ikinatuwa ng taxi driver ang pangyayari. Aniya, karangalan maging kamukha ng pinuno ng bansa.

-- Ulat ni Madonna Timbal-Senajon, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.