Iskolar ng Ateneo de Davao, top 3 sa Mechanical Engineering board exams

Madonna Timbal-Senajon, ABS-CBN News

Posted at Oct 04 2017 10:11 PM | Updated as of Oct 05 2017 10:23 AM

DAVAO CITY - Abot langit ang tuwa at pasasalamat ng mag-asawang Suyo matapos nilang malaman na top 3 sa 2017 Mechanical Engineering Board Exam ang kanilang panganay na anak na si Jakal Suyo.

Nitong Marso lamang nagtapos sa kanyang kursong mechanical engineering bilang magna cum laude sa Ateneo de Davao University si Jakal.

Isa rin siyang iskolar ng pamantasan.

Para sa kanyang mga magulang, nagbunga ang lahat ng kanilang pagsisikap dahil sa natamong tagumpay ng kanilang anak.

"Kagabi inabangan namin ang result tapos sabi ng isa kong anak, Ma sandali lang, sandali lang, dumating na ang resulta. Ma, top 3 si kuya... Ayon hindi na namin maintindihan ang aming pakiramdam, umikot ikot na ako, ang daming tumawag," kwento ng ina ni Jakal na si Marites.

Disiplina ang palaging itinuturo ng mag-asawa sa kanilang mga anak mula noon.

Dahil busy sa trabaho si Marites, ang amang si Conrado ang tumututok sa pag-aaral ng kanilang mga anak.

"Kahit nasa CR ako dinadala ko libro nila, nire-review ko para mapag-aralan ko bago ko sila i-review," ayon kay Conrado Suyo.

Proud din ang Ateneo de Davao University sa tagumpay ni Jakal.

Bukod sa pagtatapos ng may mataas na grado, naging 3rd placer din ang grupo ni Jakal sa Shell Eco-Marathon Competition sa Clark, Pampanga noong Enero nitong taon kung saan nag-assemble sila ng prototype car na gasoline engine.

"We hone our students to be quality graduate," pahayag ni Dr. Renyl Barroca, ang officer-in-charge ng School of Engineering and Architecture ng AdDU.

"Maka-proud maam, challenging kasi kami na naman ang next batch," sabi ng mechanical engineering student na si Ariel Palmanes.

Nagpasalamat din ang mga magulang ni Jakal sa lahat ng mga taong nagdasal para pumasa sya sa board exam.

Kasalukuyang nasa Cebu City si Jakal matapos ang board exam.

Samantala, top 1 ang graduate ng Xavier University o Ateneo de Cagayan na si Jay Nelson Corbita na merong average score na 92.20.