Guwardiya, pilit sinubuan ng resibo ng galit na customer

ABS-CBN News

Posted at Sep 22 2017 12:28 AM | Updated as of Sep 22 2017 12:30 AM

Kuha ni Bayan Patroller Joemar Ortega

Nag-viral sa social media ang video ng babaeng pilit isinubo ang kaniyang resibo sa guwardiya ng isang supermarket sa Puerto Princesa, Palawan.

Kita sa video na kuha ni Bayan Patroller Joemar Ortega ang isang babaeng sinisigawan ang isa sa mga guwardiya ng supermarket at pilit isinusubo sa guwardiya ang isang resibo.

Ayon kay Ortega, hinanap kasi ng guwardiya ang resibo ng pinamili ng babae nang palabas na siya ng supermarket.

Pero naiwan pala ang resibo sa kahera ng pamilihan.

Nang mahanap ng babae ang resibo, doon na raw niya pilit itong isinubo sa guwardiya.

Giit ng agency ng guwardiya, ginawa lang ng kanilang tauhan ang kaniyang trabaho.

Nakikipagtulungan na rin sila sa Philippine National Police - Puerto Princesa upang mahanap at makausap ang babaeng nasa video.

Hindi muna pinapasok ang guwardiya sa kanyang trabaho.

Traffic enforcer, nanampal ng drayber ng bus

Sapul din sa video ang isang traffic enforcer na nanampal ng drayber ng bus sa Taft Avenue, Pasay City.

Sa video ni Bayan Patroller Maria Lea Landicho, makikita ang pananampal ng isang traffic enforcer sa drayber ng Lucena Bus Lines malapit sa LRT-1 Buendia Station nitong Lunes, Setyembre 18.

Makikita rin sa video na pumagitna pa ang konduktor at ang isang guwardiya at saka umawat na rin ang isa pang traffic enforcer.

Ayon sa hepe ng Pasay Traffic Management, minura umano ng drayber ang kanilang enforcer kaya't uminit ang ulo.

Itinanggi naman ito ng drayber ng bus at sinabing natakot daw siyang makumpiska ang kaniyang lisensya kaya't hinayaan na lang niyang sampalin siya ng enforcer.

Sinibak na sa puwesto ang nanampal na traffic enforcer habang iniimbestigahan pa ang insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.