Kilalanin ang 'rampadorang street sweeper' ng Albay

ABS-CBN News

Posted at Sep 10 2017 05:03 PM

Nag-alay ng awitin sina Jake Zyrus at Jolina Magdangal sa "L.S.S." segment ng "ASAP" para sa isang ginang na mahilig magsuot ng heels sa pagwawalis ng kalsada.

Kilala si Lourdes Punit bilang "rampadorang street sweeper" sa Albay.

"Kapag naka-heels ako, ang ganda-ganda ko. Feeling ko Miss Universe ako. Proud ako kapag nagwawalis sa kalsada," aniya.

Maagang namulat sa kahirapan si Punit dahil siyam na taong gulang pa lamang siya nang mamatay ang kanyang ina.

Hindi na siya nakapagpatuloy sa kanyang pag-aaral simula nang maulila sa ina kaya sinikap na lang niyang buhayin ang kanyang sarili. Nagbanat siya nang buto at hindi na umasa sa kanyang mga kapatid dahil may mga kanya-kanya na rin itong mga pamilya.

Kung ano-ano ring trabaho ang kanyang pinasok para maitaguyod ang sarili. Sinubukan niya ang pagsasaka, pagtitinda ng gulay, pagiging kasambahay at hanggang sa naging street sweeper na ito.

Pangarap niyang maging artista at model kaya kahit sa pagwawalis ng kalsada, nais niyang pumorma at mag-ayos ng sarili.

"Hilig ko po talaga ang magsuot ng sapatos na matataas kasi dream ko po 'yun. Pinapartneran ko ng mga makukulay na damit kasi mahilig nga ako sa kakaibang design ng damit."

Dahil sa hilig niya sa pagpapaganda, nakilala niya ang kanyang asawa na nagtatrabaho sa palengke bilang isa ring street sweeper.

"Nanligaw siya sa akin, 17 [taong gulang] ako. Sinusuyo niya ako palagi. Hindi ko naman akalain na hahabulin niya ako n'yan."

Nagbunga ang kanilang pagmamahalan ng apat na supling pero isa rito ang may espesyal na pangangailangan.

"Yung isa kong anak, special child. Autistic. May maintenance talaga siyang gamot. Kahit mahirap ang buhay, kinakaya ko po para sa aking pamilya."

Tila naging biyaya para kay Punit nang mag-viral sa internet ang kanyang larawang nakaporma at nakatakong habang nagwawalis dahil natupad ang kanyang pangarap.

"Noong nagkalat ang picture ko, ang laki ng saya ko. Hindi ko po lubusang akalain na makikita [ako] sa TV balang araw."

Hindi niya na iniisip ang sobrang pagod sa trabaho dahil napapawi naman ito kung nakikita niya ang kanyang pamilya na masaya.

"Ang gusto ko lang sa pamilya ko, maging masaya [at] maging kumpleto. Ang pamilya ko, mahal na mahal ko. Higit pa sa buhay ko."

"Hangga't malakas ako, patuloy akong magrarampa at maghahanapbuhay para sa pamilya ko. "

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.