'Mamser, pa-cancel ng leave': Mga hugot sa napurnadang 'long weekend'

Rhys Buccat, ABS-CBN News

Posted at Aug 18 2018 12:10 AM

Mayroon nang nag-impake, nagpa-reserve ng videoke, at gumawa ng itinerary. 

Ang ilan naman ay handa nang sumabak sa kilo-kilometrong pila sa mga istasyon ng bus at paliparan sa iba't ibang sulok ng bansa. 

Pero ika nga nila'y may mga bagay na hindi talaga "meant to be." 

Ang inaasahan ng ilan na "very long weekend" ay napurnada nang i-anunsiyo ng Malacañang na ang obserbasyon ng Eid’l Adha o Feast of Sacrifice ay isasabay na sa Ninoy Aquino Day sa darating na Martes, August 21. 

Kaya naman hindi napigilan ng ilan na tawaging "paasa" ang mundo. Marami na kasi ang nag-file ng leave o 'di kaya'y nagbabalak um-absent sa Lunes para sana'y Agosto 18 hanggang 22 ang kanilang bakasyon. 

Limang araw sana. Limang araw na maaari nang igugol sa pag-uwi sa probinsya, paghabol sa pinapanood na series, o para mag-hibernate sa kama. 

Narito ang ilang "hugot" ng mga netizens sa social media:

Pero depensa ng Palasyo, ang deklarasyon na ito ay ayon sa rekomendasiyon ng National Commission on Muslim Filipinos, ang ahensiya ng pamahalaan na nangangalaga sa partisipasyon ng Muslim Filipinos sa usaping pambansa. 

Masuwerte ang mga estudyante sa Quezon City. Nagdeklara kasi ang city government na walang pasok sa darating na Lunes bilang paggunita sa kaarawan ng Pangulong Manuel Luis Quezon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.