VIRAL: Mga basura, nagkalat sa isang lagoon sa El Nido

Lynette dela Cruz, ABS-CBN News

Posted at Aug 17 2018 08:46 PM | Updated as of Aug 17 2018 09:27 PM

EL NIDO, Palawan—Nakita sa isang viral video na nagkalat ang mga bote, plastik at iba pang basura sa loob ng Secret Lagoon, isa sa mga sikat na destinasyon dito sa bayan.

Ikinadismaya ng mga bisitang kumuha ng video at ng mga netizen na nakapanood nito ang mistulang pagpapabaya sa lugar, ngunit ayon sa lokal na pamahalaan ay hindi nagmula sa mga bakasyonista ang mga basura kung 'di inanod lamang mula sa ibang lugar sa kasagsagan ng habagat.

 

Sa ganitong panahon, hindi pinapayagang pasukin ng mga turista ang lagoon at kinakansela ang tours, sabi ni Rene Jay de la Calzada, municipal administrator ng El Nido.

Hindi na bago sa mga lokal ang pagkakaroon ng basura sa lagoon lalo na kapag panahon ng habagat, sabi ni de la Caldaza.

Katunayan, July 23 at 28, nakakuha ng sako-sakong basura ang mga naglilinis sa lagoon, dagdag niya.

Ayon sa opisyal, nahihirapan din ang pamahalaan na hanapin kung saan inaanod ang mga basura dahil sa dami ng mga maliliit na isla na sakop ng El Nido.

Sabi ni de la Caldaza, wala silang magawa para pigilin ang kalikasan na dalhin sa lugar ang basura, ngunit nangakong pag-iigtingin pa ang monitoring sa mga isla ng El Nido para agad na malinis ang mga basura.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.