Batang walang mga kamay, pangarap maging inhinyero

Martian Muyco, ABS-CBN News

Posted at Aug 17 2018 01:33 AM

Hindi nagpapabaya sa pagaaaral si Niño na nasa Grade 3 at honor student pa. Martian Muyco, ABS-CBN News

KABANKALAN CITY, Negros Occidental – Viral ngayon sa social media ang video ng 8-taong gulang na batang lalaking may kapansanan.

Ipinanganak si Niño Dayon nang walang mga kamay. Pero hindi siya nalilimitahan nito at bagkus ay nagagampanan pa niya ng mas higit ang mga gawain tulad ng pagsibak ng kahoy, paglalagari at pagmamartilyo.

Bukod dito, hindi rin nagpapabaya sa pagaaaral si Niño na nasa Grade 3 at honor student pa.

Ginagamit ni Niño ang kaniyang mga paa para makapagsulat.

Ayon sa kaniyang guro, isa siyang aktibong estudyante at ‘di nagpapahuli sa mga kaklase. 

Hindi lang sa eskwelahan aktibo si Niño kung ‘di pati rin sa kanilang tahanan sa Barangay Locotan.

Tumutulong siya sa mga gawaing bahay tulad ng paghuhugas ng mga plato. Martian Muyco, ABS-CBN News

Sabi ng kaniyang ina na si Michelle, sobrang matulungin si Niño sa bahay. 

Tumutulong siya sa mga gawaing bahay tulad ng paghuhugas ng mga plato. 

Sa lahat ng mga gawain, ang pinakapaborito ng bata ay ang pagkakarpintero. Pangarap din niyang maging isang inhinyero.

Ngayon, ang pinakapangarap niya ay ang mapaayos ang kusina ng kanilang bahay. Kaya’t sa murang edad, mahilig na siyang magkumpuni ng mga sirang bagay sa kanilang kusina.

May kulang man sa pisikal na kaanyuan ang masayahing bata, pinupunan naman ito ng pagmamahal ng kaniyang pamilya at mga kaibigan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.