Nagtaray na public prosecutor sa viral video, humingi ng tawad sa MMDA

ABS-CBN News

Posted at Aug 15 2018 05:29 PM | Updated as of Aug 15 2018 08:10 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Humingi ng tawad nitong Miyerkoles ang babaeng tampok sa viral video kung saan nakuhanan siyang nakikipagtalo sa mga traffic enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na sinubukang hatakin ang kaniyang sasakyan dahil sa illegal parking.

"We would like to take this opportunity to apologize to the MMDA enforcers," sabi ng babae sa harap ng media sa tanggapan ng MMDA.

Kasama ng babaeng humingi ng tawad ang kaniyang mister na tampok din sa viral video.

Paliwanag ng babae, na isang public prosecutor, dala lang ng emosyon kaya umano niya napagtaasan ng boses ang mga enforcer.

Watch more in iWantv or TFC.tv

"We ask for your understanding in the matter as well as emotions got the best of us," aniya.

Sa Facebook video na ini-upload noong Martes, mapapanood ang babaeng motorista na pinagtataasan ng boses ang mga enforcer habang ipinapaliwanag na pasok siya sa "five-minute rule."

Maririnig din sa video na nagsumbong ang isang enforcer kay MMDA Special Operations Group head Bong Nebrija na binunggo raw siya. Sumagot naman ang babae: "Oh, iiyak ka na? Iyak ka na, sige."

Mapapanood si Nebrija na sinusubukang ipaliwanag sa babae ang traffic regulation habang patuloy nitong inaantala ang pagpapaliwanag sa opisyal.

Tumanggi naman ang babae na ibigay ang kaniyang lisensiya nang hingin ito.

Dumating din sa eksena ang mister ng motorista na nagbantang pananagutin ang mga opisyal sakaling makunan ang kaniyang buntis na misis.

Ayon kay MMDA general manager Jojo Garcia, inireklamo nila ang babae sa Land Transportation Office (LTO) para masuspende o mabawi ang lisensiya nito.

"Gumawa kami ng complaint sa LTO... na baka puwede ma-suspend 'yong license niya dahil nga sa ganoong attitude, o i-revoke pa. Nasa wisdom na ng LTO kung ano gagawin nila diyan," sabi ni Garcia sa isang press briefing nitong Miyerkoles.

Dagdag pa ni Garcia, isinumbong nila ang babae kay Justice Secretary Menardo Guevarra na nangako umanong gagawan ng aksiyon ang insidente.

Hinimok naman ni Garcia ang mga motorista na iwasang makipagtalo sa mga enforcer.

"Iyong simpleng traffic violation po, huwag na kayong makipag-away, ibigay niyo lang po iyung lisensiya niyo, titiketan kayo, tapos na," ani Garcia.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.