Magkasintahan sa Benguet, itinuloy ang kasal sa gitna ng matinding ulan

Justin Aguilar, ABS-CBN News

Posted at Aug 13 2018 04:05 AM | Updated as of Aug 13 2018 09:05 PM

Mga retrato mula kay Judith Burton

BENGUET - Sa kabila ng walang tigil na pag-ulan bunsod ng habagat, itinuloy pa rin ng magkasintahang si Salen Cayamso at Monsour Mencio ang kanilang pag-iisang dibdib noong Sabado.

Trending ngayon sa social media ang mga larawan ng kasal kung saan puno ng putik ang traje de boda ni Salen at nakabota ang mga bisita.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Aminado ang ilang bisita na nag-alangan silang dumalo sa kasal dahil sa masamang panahon.

Aabot sa higit isang oras ang lakaran papunta sa lugar ng kasal sa Barangay Cayapes ng Kapangan.

Nahirapan din sa kaniyang entourage si Salen.

"Yung sa paglakad ko, naputikan lahat 'yung gown, tapos mabigat 'yung gown, tsaka mahirap maglakad sa kaputikan," ani Salen.

Pero para sa kaniyang kabiyak na si Monsour na hango mismo ang pangalan sa salitang monsoon dahil ipinangak sa panahon ng tag-ulan, biyaya ang maikasal sa napaka-maulang araw.

"Sa matatanda kasi dito 'pag umuulan daw 'yung kasal, magandang pamahiin, parang suwerte raw," ani Monsour.

Nagkakilala ang 2 sa paradahan ng jeep sa Baguio City at naging mag-text mate nang matagal bago maging magkasintahan. 

Dalawang taon din silang naging magnobyo bago tuluyang mapagpasyahang magpakasal.

Sa mga katutubong Kankanaey kung saan kabilang si Monsour at Salen, mapalad ang mga kinakasal sa panahon ng tag-ulan dahil kumakatawan daw ito sa walang katapusang biyaya mula sa kalangitan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.