Lola gitarista ng Singapore, patok sa internet

ABS-CBN News

Posted at Aug 09 2017 09:27 PM

Hindi naging hadlang ang edad ng 81 anyos na Singaporean para ituloy ang pangarap na tumugtog ng rock music.

Kinagigiliwan ng mga netizen ngayon ang 'guitar-slinging granny' na si Mary Ho na tanyag na performer at internet sensation.

Noong 60 taong gulang siya, sumibol ang kagustuhan ni Mary Ho na tuparin ang kaniyang matagal nang pangarap na matutuhan ang paggigitara.

Nagsimula siyang matutong maggitara sa pamamagitan ng binili niyang libro tungkol sa pagtugtog ng instrumento. Noong una, nakuntento na siya sa simpleng pagtugtog nito na sinasabayan niya ng pagkanta.

Pero nang ipakilala sa kanya ng isang kaibigan ang classic track na "Samba Pa Ti" ni rock star Carlos Santana, nagdesisyon siyang humingi na ng propesyonal na pagtuturo para i-level up ang kanyang mga natutuhan.

"It was too difficult (to learn on my own) so I found a teacher," aniya. "But the teacher looked at me and said, 'Oh, I've never taught anyone your age before.'"

Kahit na hindi siya marunong magbasa ng musika, naging determinado si Ho na aralin ang kanyang paboritong kanta. Ineensayo niya ito nang hanggang tatlong oras sa isang araw para makuha ang tamang pagtugtog.

Simula noon, nakakolekta na siya ng 20 gitara, nakapag-record ng sariling album ng Latin music at kadalasang in demand sa mga charity gig.

Umabot na rin sa 1.1 million views sa YouTube ang isang video niya na tumutugtog ng rock classic na "Need Your Love So Bad."

Nang tanungin si Ho kung napapagod siya sa kanyang mga ginagawa, sagot niya: "Maybe it's just my nature, it's the love of doing things, learning things... I don't ever get tired".

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.