KILALANIN: 3 mag-aaral na 'tinugtugan' ang lolang namamalimos

ABS-CBN News

Posted at Aug 08 2018 05:37 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Kakaiba ang tulong na ibinigay ng tatlong magkakaklase sa isang matandang nanlilimos sa Maynila. 

Sa halip na bigyan ng barya ay tinugtugan ng mga estudyante ng medley ng mga sikat na kanta si lola Asuncion Angeles para makuha ang atensyon ng mga naglalakad doon. 

Makikita sa video na in-upload ng netizen na si Zin Len noong Hulyo 31 ang mga estudyanteng sina Josh Concepcion, Felmarch Pepito, at Rasselle Malvar na katabi si Angeles habang tumutugtog ng ukulele at kumakanta. 

 

Dahil kakaiba ang konsepto ng pagtulong nila sa lola, marami sa dumaraan ang nagbigay ng pera para kay Angeles.

Kuwento ni Concepcion, una niyang nakita si Angeles noong siya'y unang pumasok sa National Teachers College.

"Nakita ko na po siya dati almost 3-4 years ago. Marami rin pong ibang namamalimos," aniya sa "Lingkod Kapamilya" ng DZMM nitong Miyerkoles. 

Ikinatuwa ng mga netizen ang video kaya naman umabot ito sa 3 milyon na views, 39,000 likes, at 5,000 shares sa Facebook. 

"Natuwa sila sa amin kasi bago po 'yung idea na ganun, 'yung kakantahan po siya para mas mapukaw ang atensyon noong iba," ani Malvar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.