Powerbank na ID holder at flashdrive din, patok sa netizens

ABS-CBN News

Posted at Aug 03 2018 10:01 PM | Updated as of Aug 03 2018 10:24 PM

Sa panahon ngayon, praktikal na para sa karamihan ang pagkakaroon ng powerbank, lalo na sa mga emergency. 

Kaya naman nilikha ng apat na estudyante mula sa De La Salle University (DLSU) ang "Chargee" powerbank—na puwedeng powerbank, flash drive, at ID holder. 

Para sa isang group project, naisip ng mga engineering student na sina David Zinampan, Sarah Tan, Celine Solis, Andreana Gabrielle Yu Santos, at Ivan Yeung na gumawa ng powerbank at flash drive na nakapaloob sa isang ID dispenser.

"Sa school namin important na may ID... saka usually kapag wala kang ID hindi mo maa-access lahat ng places sa school," kuwento ni Yeung sa "Lingkod Kapamilya" ng DZMM nitong Biyernes. 

Si Angelo Casimiro naman ang lumikha ng prototype nito.

Gumamit din sila ng ABS plastic, na mas may resistensiya sa init na maaaring ilabas ng powerbank.

"Ang material na ginagamit namin ay ABS plastic, 'yung resistance niya sa heat is higher. Kahit na medyo uminit ang circuit sa loob hindi naman po siya kaagad na mararamdaman ng user," paliwanag ni Santos. 

Noong una, may kaunting pagdududa sila sa pagpapagawa nito. Pero nawala ito nang mag-trend ang ideya nila sa social media, na mayroon nang 54,000 likes sa Facebook.

Ayon sa mga estudyante, may iilan nang lumapit sa kanila para magtanong kung puwede nilang ibenta ang produkto. 

"A lot have shown interest. We're currently talking to an IT lawyer," wika ni Yeung.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.