Lalaki, inirereklamo sa pananaga ng alagang aso ng kapitbahay

Danielle Rebollos, ABS-CBN News

Posted at Aug 03 2017 03:09 AM

ILAGAN CITY—Inireklamo ang isang lalaki matapos tagain ang alagang aso ng kanyang kapitbahay noong nakaraang linggo sa Ilagan City, Isabela.

Sa social media ibinuhos ni Rosafe Ramos ang kanyang sama ng loob sa sinapit ng kaniyang alagang aso. 

Sa Facebook post ni Ramos, makikita ang malaking hiwa sa kaliwang bahagi ng mukha ng aspin na si Chichi.

Tinaga umano ito ng kapitbahay na si Albert Aggarao noong madaling araw ng Hulyo 23.

“Monday na ng madaling araw, iyun na po iyung inattempt na niya talaga siguro patayin na kasi delikado po iyung tama nito eh. Basta ang alam ko, sinabihan ko siya bakit mo binato yung aso ko. Hindi ko pa po alam na tinaga yung aso ko, nung pag-uwi ko atsaka ko nakita na may taga na siya,” ani Ramos.

Umani ng simpatiya mula sa libu-libong nakakita ng post tungkol sa nangyari sa aso. Giit pa ng mga netizen, animal cruelty ang ginawa ni Aggarao.

Nakakuha ng mahigit 22,000 likes at shares ang Facebook post ni Ramos. 

Dagdag ni Ramos, hindi ito ang unang beses na sinaktan ni Aggarao ang kaniyang mga aso.

Bagay na pinabulaanan ito ni Aggarao na sinabing aksidente lang ang nangyari. Hindi rin daw totoo na nakatali ang aso nang mangyari ang pananaga.

"Pupunta ako sa trabaho ko, eh tumatahol yung aso, lumabas siya sa bahay nila tumakbo sinundan ako sa highway, hinabol ako kaya tinesting ko tinaga ko lang para itali na nila yung aso," ani Aggarao.

Giit pa ng pamilya Aggarao, lagi umanong nakakawala ang mga alagang aso ni Ramos na ikinaiirita umano ng mga kapitbahay.

Pero ayon kay Ramos, mabait ang aso at wala pang kinakagat.

Masama naman umano ang loob ni Aggarao dahil tila na-bully daw ito sa social media ng mga taong hindi alam ang tunay umanong kwento.

Humihingi siya ng patawad sa nangyari at nais na sagutin ang gastos sa pagpapagamot sa aso.

"Pasensiya po ginawa ko lang po yun para itali na nila yung aso. Kahit magbigay na lang ako ng panggamot ng aso," ani Aggarao.

Nagkaharap na rin umano sa barangay ang magkabilang kampo, pero desidido pa rin si Ramos na idemanda si Aggarao.

"May plano na po akong magdemanda, hindi na po ako magpapa-areglo," ani Ramos.

Kasulukuyang ginagamot sa Provincial Veterinary Office ng Ilagan City ang aso.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.