CHR, iniimbestigahan ang panggugulpi sa binatilyong may 'special needs'

ABS-CBN News

Posted at Jul 28 2018 12:40 AM

Sisimulan nang imbestigahan ng Commission on Human Rights (CHR) ang pambubugbog at pagtulak sa creek sa isang menor de edad na may "special needs" matapos daw magnakaw nito ng manok sa Barangay Tejero, Cebu. 

"Mag-iimbestiga kami kapag dumating na ang mga magulang," ani Atty. Arvin Odron, direktor ng CHR-Central Visayas. 

Ayon sa punong barangay ng Bgy. Tejero na si Hermogenes Galang, noong Mayo 14, 2018 pa nangyari ang insidente. 

Dati na raw nasangkot sa pagnanakaw ang binatilyo pero iginiit niya na paiimbestigahan pa rin ang mga nanakit sa biktima. 

"I-endorse natin 'yan sa Women's Desk dun sa pulis. Magko-coordinate na lang 'yung mga barangay kung ano ang kailangan ng Women's Desk para ma-ano 'yung kaso," ani Galang. 

Sa video na kamakaila'y nag-viral sa social media, tinakot ng isang grupo ng lalaki ang biktima. Matapos nito, pinagbubugbog na ang lalaki hanggang sa dumugo ang ilong nito. 
 
Nagmakaawa ang binata at pumiglas pero hawak ng isa pang lalaki ang kaniyang shorts. Matapos nito ay tinulak siya at doon na nahulog sa creek ang binatilyo.

Ayon naman kay Waterfront Police Station chief Senior Inspector Jomar Pamorehas, nahuli nilang nanloob ang biktima sa isang bahay nito lamang Hulyo 3. 

Gusto naman ng nanay ng binatilyo na magsampa ng kaso laban sa mga nanakit sa kaniyang anak. 

Sumasailalim ngayon ang binatilyo sa isang rehabilitation program. 

-- Ulat ni Joworski Alipon, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.