KILALANIN: Ang grupo sa likod ng 'hugot' short films ng VinCentiments

Jaehwa Bernardo, ABS-CBN News

Posted at Jul 10 2018 04:08 PM

Screengrab mula sa "Mga Bagay Na Hindi Na Dapat Pag-usapan."

Kung naranasan mo nang umibig at masaktan, tiyak na makare-relate ka sa mga short film o maiikling pelikulang tampok sa Facebook page na VinCentiments.

Sa katunayan, viral ngayon sa social media ang mga short film na bahagi ng proyektong "Agaw-Eksena" ng VinCentiments, na social media account ng community theater group na SAWAKAS mula Central Luzon.

Pawang mga miyembro ng SAWAKAS ang nagtutulong-tulong sa pagbuo ng mga video na inilalabas sa page, sa pangunguna ng manunulat at direktor na si Darryl Yap at cinematographer na si Vincent Asis.

Karaniwang tema ng anim na pelikulang nailabas na sa ilalim ng "Agaw-Eksena" ang pag-ibig at pakikipagrelasyon. Tila "may hugot" ang dating ng mga ito, dahilan para pumatok sa mga manonood sa social media.

Screengrab mula sa "Balikan."

Ayon kay Yap, hindi nila inasahang magiging popular ang kanilang mga pelikula. 

Naging malinaw lang daw ito nang ilabas nila ang ikatlong pelikulang "Jowable," tampok ang isang babaeng kinukuwestiyon sa simbahan ang kaniyang pagiging single.

"We didn't expect [at] all. We were just overwhelmed by the reception of the public," sabi ni Yap sa panayam ng ABS-CBN News. "Then 'Jowable' made it clear to us na, 'Wow! Medyo kilala na tayo.'"

Bukod sa "Jowable," nariyan din ang iba pang "Agaw-Eksena" shorts gaya ng "Balikan," tungkol sa dating magkasintahang nagbabalikan ng mga gamit ng isa't isa; at "Perstaym | Taympers" tungkol sa naudlot na unang beses na pagtatalik ng magkasintahang ipinagdiriwang ang kanilang anibersaryo.

Screengrab mula sa "Perstaym | Taympers."

Ayon kay Yap, nais nilang higitan ang "hugot" at maipakita sa mga manonood ang mga tunay na dinamika ng pag-ibig at pakikipagrelasyon.

"We want to put the real thing in hugot, 'yong di puro feels, 'yong totoo talagang scenario. I guess 'yon ang trademark namin—truthful, brave and affecting," aniya.

"We don't put love on the pedestal, we undress it, we expose it, we hold it in the collar and make it spill reality. That's our attack and maybe our edge," dagdag ni Yap.

Ikinatutuwa rin ni Yap na marami sa kanilang mga manonood ang nakare-relate sa kanilang mga kuwento, bagaman iyong iba'y nagsasabing hindi pa raw nila naranasan ang pinagdadaanan ng mga karakter.

"The lines I write may be considered as hugot, but hey, para lang 'yon sa nakaranas na. But surprisingly, sa comments, kahit daw 'di pa nila naranansan, dama nila so we are just grateful," aniya.

Bukod sa libo-libong shares at milyon-milyong views, kumalat din sa social media ang mga "screenshot" ng ilang eksena mula sa kanilang mga pelikula dahil sa pagiging "hugot" ng mga ito.

Inaabot lang daw ng anim na oras para mabuo ng mga miyembro ng SAWAKAS ang mga "Agaw-Eksena" shorts.

"I write them a day before then give it to eveyrbody the next day, which is also the shooting, editing and posting day. A challenge talaga for everyone," kuwento ni Yap.

Isang award-winning director ng mga short film ang 31 anyos na si Yap at naitampok na ang kaniyang mga likha sa mga lokal at international na film festival gaya ng QCinema, North Luzon Film Festival, at Formosa Festival of International Filmmaker Awards.

Ayon sa kaniya, may anim pang pelikula silang ilalabas na bahagi ng "Agaw-Eksena."

"Expect that our films will always be convincing and sentimental," aniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.