Drayber ng gobyerno na ilegal na nagparada, pinuna ng netizens

Jasper Magoncia, ABS-CBN News

Posted at Jul 05 2018 09:02 PM

DAVAO CITY - Pinuna sa social media ang response vehicle ng City Engineer's Office ng lungsod na ilegal na ipinarada sa harap ng isang restaurant sa Pardo de Tavera Street dito.

Sa Facebook post ni Frances Hera Regalado noong Martes, makikitang nakaharang sa iba pang sasakyan ang nasabing response vehicle.

 

Umaandar ang makina ng sasakyan ngunit wala ang drayber nito.

Dahil dito, hindi mailabas ni Regalado ang kaniyang sasakyan sa parking lot.

Matapos ang 20 minuto ay bumalik ang drayber. Nang tanungin kung saan siya nanggaling, sumagot umano ito na: "Itanong mo kay Kapitan."

Kinilala ang driver na si Roberto Limboy, isang job order employee.

Pinaiimbestigahan na ng lokal na pamahalaan ng Davao City ang insidente, matapos itong punahin sa social media.

“I have already instructed the Human Resource and Management Office (HRMO) to conduct an investigation with regard to the issue and to pass a recommendation on the possible punishment that the driver will face," ani Davao City Administrator Zuleika Lopez.

Dagdag pa ni Lopez, sana ay magsilbing paalala ang nasabing insidente sa lahat ng empleyado ng pamahalaan na umaktong propesyonal para hindi madungisan ang imahe ng lungsod lalo't mabilis nang nabubunyag ang mga maling gawain dahil sa social media.

Ayon naman kay Erwin Alparaque, HRMO head, ipinatawag na nila si Limboy hinggil sa insidente at maari itong matanggal sa trabaho depende sa resulta ng imbestigasyon.

“I want to hear the other side of the story. Limboy will explain himself first before we make any decision. There might be some misunderstanding that led to the fateful incident," aniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.