PANOORIN: Pinoy parody ng 'Meteor Garden' teaser

Jaehwa Bernardo, ABS-CBN News

Posted at Jul 01 2018 05:45 PM

Dapat nang kabahan ang mga miyembro ng F4 sa paparating na remake ng Taiwanese drama na "Meteor Garden" dahil may apat na kalalakihang Pinoy na handang tumapat sa kanila.

 

Viral sa social media ang parody ng teaser ng 2018 remake ng "Meteor Garden" na binuo ni Emman Nimedez, na dating nag-viral dahil sa kaniyang parody video ng Korean drama na "Goblin."

Ayon kay Nimedez, noong unang labas pa lang ng teaser ng bagong "Meteor Garden" ay naisipan na niyang gumawa ng parody video.

"Kaso ang pinakaunang pumasok sa isip ko noon, 'Sinong mga kasama ko?'" kuwento ni Nimedez sa ABS-CBN News.

Sa pamamagitan ng social media, naghanap si Nimedez, na gumanap sa video bilang Dao Ming Si, ng mga magiging kasamahan niya sa kaniyang bersiyon ng F4.

"Nag-status lang ako kung sino bang mga pinakakamukha ko dito sa internet, i-tag nila gano'n. Ta's 'yon, no'ng nakabuo na kami ng team, sinimulan na namin agad-agad 'yung production," ani Nimedez.

Kasama ni Nimedez sa video sina Rickson Digos bilang Huaze Lei, Darniel Carabelle bilang Feng Mei Zuo, Ronn Ogot bilang Ximen Yan, at Monique Dimaiwat bilang Shan Cai.

Inabot ng dalawang araw ang pagbuo sa video mula sa pag-shoot hanggang sa pag-edit na si Nimedez mismo ang gumawa.

Pangarap umano ni Nimedez, isang 19 anyos na broadcast communication student, na maging direktor at nagsisilbing pagsasanay niya ang mga parody video.

"Gusto ko talaga maging direktor. Noon palang iyon na talaga ang gusto ko kaya heto ngayon sumusubok-subok na ako gumawa ng mga ganito. Parang training ba," ani Nimedez.

Inamin din ni Nimedez na libangan niya ang panonood ng mga Asian drama dahil sa mga magagandang kuwento.

"Sobrang trip ko kasi talaga mga plot nila pati execution nila ng episodes. Sobrang linis at nakakadala. Kaya din siguro [maraming] Pinoy na nanonood ng mga drama na katulad no'n," aniya.

Hango ang "Meteor Garden" sa Japanese manga na "Hana Yori Dango."

Unang itong ipinalabas sa Pilipinas sa Kapamilya network noong 2003. Nagkaroon din ng version sa Japan at South Korea ang "Meteor Garden" noong 2008 at 2009.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.