Koleksyong origami ng isang lalaki, umabot ng libo-libo

Paulo Ferrer, ABS-CBN News

Posted at May 18 2017 01:22 AM

Ilan lamang ang paper cranes na ito sa libo-libong koleksyon ng origami ni Malvin Roix Orense. Paulo Ferrer, ABS-CBN News

LIPA CITY—Iba't-ibang hugis, kulay, at anyo. 

Mula sa pinagtupi-tuping papel ang mga malikhaing obrang ito na gawa ng mga kamay ng isang 18 anyos na binata mula sa Lipa City.

Nagsimula ang hilig ni Malvin Roix Orense noong siya ay 7 anyos pa lamang at nagsimula siya sa paggawa ng isang libong origami.

Mula noon ay naengganyo na siya at nagpatuloy na ang paggawa at pag-aaral ng iba-ibang disenyo ng origami.

“Nagbibigay ito ng confidence sa aking sarili na nakakagawa pala ako ng ganun. Sabi po origami po is therapeutic, nakakatanggal din po minsan ng stress,” ani Malvin.

Mahigit 3,000 na origami ang kabilang sa koleksyon ni Malvin.

Kasama rito ang action origami, ang modular origami na may mga geometrical na hugis, at ang 3D origami na binubuo ng mga pinagdugtong na origami.

Mayroon din siyang mga cartoon characters at ilang action figure na siya mismo ang nag-disenyo.

Dahil nag-iisang anak si Malvin, todo suporta sa kanyang hilig ang kanyang mga magulang.

“Very proud ako, hindi lang ako, pati 'yung tatay niya kasi parang extraordinary iyung talent niya, iilan yung engaged sa origami. Lagi kaming nandito to support him sa lahat ng activities niya,” ani Roxanne Orense, ina ni Malvin.

Pangarap ni Malvin na balang araw ay makapagpatayo ng sariling origami house.

Ayon sa kanya, basta may sipag at tiyaga, samahan pa ng pagkamalikhain, posibleng gawin ang pinaka-komplikadong likhang obra.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.