Anak ng biyudang labandera, nagtapos na cum laude

Danielle Rebollos, ABS-CBN News

Posted at Apr 07 2017 09:48 PM

Nagtapos na cum laude nitong Biyernes si Francis Sinaban. Handout photo

Santiago City, Isabela -- Hindi hadlang ang kahirapan at edad para makapagtapos sa pag-aaral.

Ito ang pinatunayan ng 25-anyos na si Francis, nag-iisang anak nina Frank at Nida Sinaban.

Maagang namulat sa kahirapan ng buhay si Francis.

Sa edad na 12 anyos, nagtrabaho na si Francis bilang taga-hugas ng mga bote sa halagang P2 at kahit nagkakasugat-sugat ang kaniyang kamay, hindi niya ito alintana para may pantustos sa pagkain araw-araw.

"Naghuhugas ako noon ng 24 pieces na bote para sa halagang P2. Nagkakasugat-sugat na kamay ko pero tiniis ko para may pera kami," ani ni Francis.

Na-stroke kasi ang tatay niyang si Frank kung kaya napilitan siyang huminto sa pag-aaral para alagaan ang ama.

Noong 2009, sumakabilang buhay si Frank kaya naman naiwan kay Nida ang lahat ng responsibilidad ng pagpapalaki kay Francis.

Tumatanggap siya ng mga labahin kung saan kumikita siya ng P200 hanggang P300.

Dahil ayaw niyang maputol ang pangarap ng anak, hinikayat ni Nida si Francis na bumalik sa pag-aaral. 

"Sabi ko sa kaniya 'anak mag-aral ka na,' sabi niya sa akin 'ayoko mamaya masyado na akong matanda' pero sabi ko wala sa edad yun kung gusto mo mag-aral, ayoko ang trabaho mo ay karpintero o nasa bukid lang,” ani Nida.

Kahit na matinding pangungutya ang naranasan ni Francis, pinilit niyang mag-aral ng high school sa edad na 17. Sa kabila nito, hindi siya nagpatinag at nagtapos na honor student.

“Marami akong naririnig na ang tanda ko na daw bakit high school pa lang ako,” ani Francis.

Pumasok rin si Francis bilang crew sa isang fastfood chain upang may pantustos sa kolehiyo. Nagdoble-kayod naman sa paghahanap-buhay ang kaniyang ina na si Nida at nag-alaga na rin ng baboy.

"Naglabada ako tapos nakiki-alaga ako ng baboy, minsan kulang, minsan okay lang,” ani Nida.

Napawi ang pagod at sakripisyo ni Nida nitong Biyernes ng hapon nang magtapos si Francis na cum laude sa kursong Bachelor of Science in Psychology sa isang pribadong unibersidad sa Santiago City. 

"Hindi pa huli sa marathon. Hangga't may pangarap ka habulin mo lang. Mas malayo yan kapag nakatayo ka lang at walang ginagawa. Pag hinahabol mo mas malapit ka sa finish line," ani Francis.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.