Ilang pamahalaang lokal, may 'dress code' para sa Araw ng mga Puso

ABS-CBN News

Posted at Feb 14 2018 12:06 AM

May kakaibang gimik ang lokal na pamahalaan ng Naga City at ang opisina ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa Region 10 para sa darating na Araw ng mga Puso.

Nagpalabas ng kautusan si Naga City Mayor John Bongat sa isusuot ng mga empleyado ng city hall sa Araw ng mga Puso.

Sa isang Facebook post, ibinahagi ni Bongat ang "dress code" para sa mga empleyado.

 

Sa memo, hinikayat ni Bongat ang mga empleyado na ibatay ang kulay ng kanilang damit sa kanilang "pagmati" o nararamdaman.

Halimbawa, ang mga "taken" o may karelasyon ay hinikayat na magsuot ng pulang damit, habang ang mga "taken for granted" ay magsusuot ng itim na damit.

Ang mga "waiting since birth" naman ay hinihikayat magsuot ng dilaw, habang ang mga nagmamahal ng mga may mahal nang iba ay hinihikayat na magsuot ng asul na damit.

Ang mga "low bat" ay hinihikayat na magsuot ng damit na stripes, habang ang mga "nagulpi na" o "nakarami na" ay magsusuot ng polka dots.

Nilinaw naman ni Bongat na para lamang ito sa kasiyahan ng mga empleyado.

Samantala, noon pang nakaraang linggo nagpalabas ng kautusan ang DILG Region 10 kaugnay ng dress code para sa Araw ng mga Puso.

Sa isang Facebook post, hinikayat ni Regional Director Arnel Agabe ang mga empleyado ng DILG Region 10 na sumunod sa dress code.

 

Inaasahang magsusuot ng kulay pink na damit ang mga kasalukuyang in love pero "pero mag-hihiwalay rin," habang pula naman para sa mga gustong patunayan na may forever.

Puti naman ang kulay ng mga "single by choice or single kasi walang choice" habang itim ang kulat ng mga hindi pa nakakamove-on.

Ang mga wala namang pakialam sa Araw ng mga Puso ay hinihikayat suotin ang sports fest t-shirt ng ahensiya.

Ayon kay Agabe, ang naturang dress code ay para ipakita ang pagpapahalaga sa espesyal na araw na ito.