PANOORIN: Angeline Quinto, sumampa sa andas ng Nazareno

ABS-CBN News

Posted at Jan 10 2018 04:37 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Hindi biro ang sumampa sa andas ng Poong Nazareno habang ipinuprusisyon ito sa mga kalsada ng Kamaynilaan. 

Hindi ito inurungan ng mang-aawit at Kapamilya star na si Angeline Quinto, na isang deboto ng Poong Nazareno.

Sumabak siya sa balyahan para makalapit at sumampa sa andas ng imahen ng Itim na Nazareno bilang pagtupad sa panata.

Sa tulong ng ibang namamanata at mga tinatawag na "hijos" na nagbabantay sa imahen ng Itim na Nazareno sa Traslacion, sumampa si Angeline sa andas para makawak sa Poon at magpunas ng mga panyo at tuwalya na inihagis ng iba pang deboto.

Nanatili si Angeline sa taas ng andas ng may isang minuto bago bumuwelo at makababa nang ligtas.

Ito na ang pang-apat na beses na sumampa si Angeline sa andas ng Poong Nazareno. Ayon ka kaniya, naging panata na niya ito dahil nakatulong ang pananampalataya niya na sumagip sa buhay ng kaniyang ina. 

"Fouth time ko na ito gagawin kasi ito talaga yung psasalamat ko sa Poon dahil sa mga biyayang natatanggap ko. Pati yung mga hindi ko naman hiningi sa kaniya," ani Angeline bago sumampa. 

"Ito po yung pinaka mahirap na pag-sampa ko sa mga nakaraang taon pero pasasalamat ko pong malaki sa mga tumulong sa akin," dagdag niya pagkatapos niyang sumampa. - may ulat ni Isay Reyes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.