Ano ang sikreto para maging matagumpay na boxing promoter? Dela Hoya, may payo kay Pacquiao

Karl Cedrick Basco, ABS-CBN News

Posted at Jul 13 2018 05:54 AM

 

A post shared by Oscar De La Hoya (@oscardelahoya) on

KUALA LUMPUR -- Isang bagong mundo ang papasukin ni Manny Pacquiao, hindi lamang ang boxing ring kundi pati ang boxing promotion.

Kagaya ng mga bagito sa iba't ibang larangan, tila hindi naging madali ang panimula ng MP Promotions dahil na rin sa kabi-kabilang isyung sumalubong sa grupo simula nang ianunsiyo ang labang Pacquiao kontra Lucas Matthysse. 

Kabilang sa mga balakid na kinaharap ng Team MP ay ang posibilidad na hindi matuloy ang bakbakan at kakulangan umano sa advertisements at promotions. 

Paano nga ba maging matagumpay na boxing promoter? 

Ibinahagi sa ABS-CBN News ng isa sa mga kinikilalang boxing promoter sa mundo na si Oscar dela Hoya ng Golden Boy Promotions ang isang payo na maaari niyang ibigay kay Pacman. 

"Surround yourself with people that you can trust your wallet," pagbibigay-diin ni Dela Hoya bago ang press conference ng bakbakan sa Linggo. "People that really work hard for you, that you can trust."

Ayon sa dating naging katunggali ng Pambansang Kamao, kailangan piliin ng Pilipinong boksingero ang mga matatalinong tao na papalibot sa kaniya at tutulungan siya maipakita ang tunay niyang intensyon sa pagiging promoter.

Naniniwala si Dela Hoya na malaki ang magiging gampanin ng MP Promotions sa mundo ng isport sakaling ipagpatuloy ito ni Pacquiao.

"If he can take the promotions seriously, I believe he can help a lot of fighters. He can help the boxing world just the way Golden Boy Promotions did for many fighters," dagdag ni Dela Hoya. 

Umaasa naman si Dela Hoya na magiging matagumpay ang sagupaang Matthysse at Pacquiao sa Linggo lalo pa't parehong kampeon sa ibabaw ng ring ang dalawang boksingero.

"I want this fight to be the best fight that boxing fans can ever watch. Manny Pacquiao is a great champion. I have to say he's gonna go down as one of the best boxers of all time," papuri ni Dela Hoya. 

Dagdag pa niya, hindi maaaring magpakampante si Pacquiao sa magiging laban kontra sa Argentinian boxer lalo pa't puwede mangyari kay Pacman ang ginawa nito sa kaniya noong 2008.

"Matthysse wants to take advantage of the opportunity. Just like how Manny Pacquiao took the advantage of the opportunity against me," pahayag ng dating Olympic gold medalist. 

Para sa iba pang balitang pampalakasan, pumunta sa website ng ABS-CBN Sports.