PBA: Paglinis sa pangalan ni Balkman, nagsisilbing inspirasyon sa San Miguel

ABS-CBN News

Posted at Jul 12 2018 12:31 PM | Updated as of Jul 12 2018 07:15 PM

Dagdag motivation para sa San Miguel Beer ang pinagdaanan ni import Renaldo Balkman sa asam ng Beermen na maidepensa ang PBA Commissioner’s Cup. PBA Media Bureau

Dagdag motivation para sa San Miguel Beer ang pinagdaanan ni import Renaldo Balkman sa asam ng Beermen na maidepensa ang PBA Commissioner’s Cup.

Matapos ang kanilang 106-102 victory laban sa TNT KaTropa Miyerkoles ng gabi sa Araneta Coliseum, sinabi ni San Miguel forward Arwind Santos na alam ng kanilang locals ang importansya kay Balkman na makuha ng kanilang koponan ang mid-season conference title.

Napalapit naman ang Beermen sa kanilang asam na title defense nang patalsikin nila ang TNT sa nasabing panalo na nagbigay sa kanila ng final 4 appearance kalaban ang Alaska Aces sa isang best-of-five affair.

Matatandaang napatawan ng lifetime ban ng PBA si Balkman matapos itong makipag-girian at sakalin si Santos sa kanilang Commissioner’s Cup elimination round schedule kontra Aces noong 2013.

“Si Renaldo kaya bumalik 'yan, dahil gusto niya linisin 'yung mga pangit na nangyari sa kaniya. Ako bilang teammate niya, natutuwa ako sa kaniya dahil ibang-iba na siya,” ani Santos matapos ang kanilang panalo kontra TNT.

“Pala-ngiti na hindi katulad dati na seryoso. Hindi mo makausap maliban sa hirap kausapin sa English. Ngayon kahit paano, nakakausap mo dahil nakangiti palagi.”

Tiwala din si Santos na ang gawin nilang inspirasyon ang sitwasyon ni Balkman ay magdudulot ng malaking impact sa kanilang kampanya.

“Maliban sa locals na gustong makuha itong championship na ito, si Renaldo gusto rin niya. So mas maganda, 'pag pinagsama-sama namin ito tapos ia-apply namin sa laro, siguro magiging maganda ang resulta,” dagdag ni Santos.

Masaya naman si Balkman sa pagtrato sa kaniya ng SMB teammates para maging mas makabulahan ang kaniyang PBA comeback na itinuring ng Puerto Rican import bilang isang blessing.

“I got a great group of guys, man, they’re great. They push me everyday. There’s no one man in the team. We’re doing it together right now,” ani Balkman.

“It was a blessing for me to come back in the PBA and to win it, it’s even a better blessing for me.”

Nito lamang March nang i-lift ni PBA Commissioner Willie Marcial ang lifetime ban ni Balkman na ipinataw naman sa kaniya matapos ang 2013 choking incident.

For more sports coverage, visit the ABS-CBN Sports website.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.