'Manny can do everything': Thai na abogado, 10 taon nang sinusundan ang idolong si Pacquiao

Karl Cedrick Basco, ABS-CBN News

Posted at Jul 12 2018 08:48 PM | Updated as of Jul 12 2018 09:05 PM

KUALA LUMPUR -- Anim na araw bago ang bakbakang Manny Pacquiao at Lucas Matthysse, may dumating na pamilyar na mukha para sa kampo ni Pacman. 

Hindi siya personalidad sa showbiz, sports, o kahit sa gobyerno. Hindi siya pinansin ng media noong una. Tanging ang mga miyembro ng Team Pacquiao ang bumati sa kaniya. 

Isa siyang abogado.

Hindi lang basta ordinaryong taga-hanga ang 59-anyos na si Narong Hengtrakul ng Pambansang Kamao. Sa katunayan, maaari na itong tumakbo bilang presidente ng fan club ni Pacman kung mayroon man. 

Sa loob ng 10 taon, napanood lahat ni Narong ng live ang laban ni Pacquiao sa ibabaw ng ring, mapa-Las Vegas man o Macau. 

"I studied Manny [Pacquiao]. Who he is. Then, I followed Manny since 2008," pagbabahagi nito sa ABS-CBN News.

Ngunit hindi natatapos sa panonood ng laban ang pagsunod niya sa Fighting Senator ng Pilipinas. 

Sa sobrang paghanga niya kay Pacman, lumipad pa siya sa Pilipinas noong 2010 upang tulungan ang Pilipinong boksingero na manalo sa pagtakbo nito bilang kongresista sa halalan ng taong ding iyon.

"I campaign[ed] for Manny [Pacquiao] the first election he won in Sarangani. I worked with him for 4 days. I go along with Manny for campaign when he gave public speeches," kuwento nito.

Ayon sa kaniya, nais talaga ni Pacquiao tumulong sa mga tao, lalo pa't nanggaling ito sa hirap kaya alam nito ang pakiramdam na walang-wala.

"He keeps on making speeches with heart. I said this guy, he speaks for the people," ani Narong. 

Para rin sa kanya, kaya ni Pacman na gawin ang halos lahat ng bagay dahil matalino at God-gifted ito.

"He can sing. He can play basketball. He can do everything. Manny is smart. He did not choose to fight Jeff Horn because he may die. Jeff is too hungry, too young, and too big for him," pahayag ni Narong.

Marami na rin aniyang naitulong sa kaniya ang senador ng Pilipinas kagaya na lamang ng pagbibigay nito ng boxing equipment para sa kaniyang negosyo. 

Tinulungan din umano siya ni Pacquiao nang minsang mabiktima ng 'Salisi Gang' sa Pilipinas. Binigyan siya ng perang nagkakahalaga ng P30,000. Hindi lamang iyon, si Pacquiao rin aniya ang nagbigay sa kaniya ng kuwartong tutuluyan sa Malaysia.

Sa dami nang kanilang pinagsamahan, hindi rin naiwasan na makagawa ito ng kamalian laban sa kaniyang iniidolong tao ngunit madaling din siya umano nitong pinatawad.

"I talked to him. [I said] 'Manny, I sinned to you.' And then, Manny know how to forgive. He tapped my shoulders and said 'It is okay, Narong.'"

Nagsimulang magkahilig sa boksing ang taga-Thailand na abogado noon pang 1981, noong isa pa lamang siyang Law School student sa Chulalongkorn University. Ngunit tila hindi pagiging abogado ang landas na nakalaan para sa kaniya.

Kaya kahit natapos nito ang pag-aaral at tuluyan naging abogado sa Thailand, hindi niya pa rin napigil ang sariling lumipat ng daang tatahakin.

"I find a way in boxing to see the world for free. And then, I think, in boxing I have a chance."

Sa kasalukuyan, abala ito bilang matchmaker sa Thailand. Tumatayo rin siyang legal counsel ng mga promoter ng laban at gumagawa ng kontrata.

Sa Hulyo 14, isang araw bago ang sagupaan sa Axiata Arena, magdiriwang ng kaniyang ika-60 kaarawan si Narong kaya naman maaaring magandang regalong matanggap niya ang panalo ng idolo kontra Matthysse.

"I predict Manny will win the fight via unanimous decision because Matthysse is a different class for Manny," paliwanag niya. "Manny is class A. Manny can win by decision because Manny now doesn't like to knock out people. He need money to support people that's why he fights." 

Para sa iba pang balitang pampalakasan, pumunta sa website ng ABS-CBN Sports.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.