'Gutom pa': Dela Hoya, tiwalang 'di pa magreretiro sa boksing si Pacquiao

Karl Cedrick Basco, ABS-CBN News

Posted at Jul 12 2018 06:09 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

KUALA LUMPUR -- Halos isang dekada matapos ang naging bakbakan nila ng Pambansang Kamao sa ibabaw ng lona, tila hindi pa kumbinsido ni Oscar dela Hoya na dapat nang huminto si Manny Pacquiao sa boksing. 

Sa panayam sa ABS-CBN News bago ang huling press conference ng nakatakdang laban ni Pacman kontra sa Argentinian boxer na si Lucas Matthysse, naniniwala si Dela Hoya na bagamat hindi na kagaya dati ang Pilipinong boksingero nanatili pa ring may lakas ito upang muling tumapak sa ring.

"I strongly feel that Manny Pacquiao still has the hunger. He still has the desire. He still has the energy to go 12 hard rounds against an elite fighter," ayon sa chairman ng Golden Boy Promotions na siya ring may hawak kay Matthysse. 

Kuwento ng dating Olympic gold medalist, hindi na kasing liksi dati si Pacquiao dahil na rin sa edad ngunit hindi pa rin nanawala aniya ang pagiging agresibo ng dating tumalo sa kaniya. 

Biro pa nito, walang kapaguran si Pacquiao sa loob ng boxing ring. Hindi ito tumitigil hangga't hindi naririnig ang tunog ng bell. 

"I can see that he still has the spring and the jump on his legs," ani Dela Hoya. "The most difficult thing when I was fighting Manny Pacquiao, he was very relentless. He never stopped throwing his punches." 

Pagbabahagi pa ni Dela Hoya, noong laban nila ni Pacman, nakita niya ang dami ng suntok na pinakawalan ng 8-division world champion laban sa kaniya, kaya umasa itong mapapagod na ito.

Ngunit, hindi ito nangyari. 

Naiuwi ni Pacquiao ang tagumpay matapos sa bisa ng isang technical knock out (TKO) bago magsimula ang ika-siyam na round. 

Kaya ang payo ni Dela Hoya sa kaniyang dalang boksingero na siya ring nagdedepensa ng WBA welterweight title, kailangan tumuntong ni Matthysse sa ring na nasa pinakawastong pangangatawan upang matalo si Pacquiao.

Sa kabila ng mga papuring binanggit niya tungkol sa dating katunggali, pinaalalahanan ni Dela Hoya si Pacman na darating din ang araw na sisingilin na ito ng kaniyang katawan hudyat upang tuluyang isabit na ang mga glove. 

"Father time will always catch up to you. That is a proven fact. It happens to the greats. It happens to me," dagdag ni Dela Hoya.

Sa huli, kagaya rin ng nakararami, nababahala rin si Dela Hoya sa dami nang ginagawa ni Pacquiao na maaaring magpalamlam sa karera ng boksingero.

"Being a senator, having projects, it's very distracting for a fighter. If Manny Pacquiao is distracted, it can be a big plus for Lucas Matthysse," ani Dela Hoya.

Nakatakdang magharap si Pacquiao at Matthysse sa Linggo, Hulyo 15, sa Axiata Stadium. 

Para sa iba pang balitang pampalakasan, pumunta sa website ng ABS-CBN Sports.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.