Grupo umano ni Terrence Romeo nasangkot sa gulo sa QC

ABS-CBN News

Posted at Jul 12 2018 07:45 AM | Updated as of Jul 12 2018 07:48 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

MAYNILA -- Nasangkot sa gulo ang isang grupong kasama umano ang Gilas Pilipinas basketball player na si Terrence Romeo sa isang bar sa Quezon City, Huwebes ng madaling araw.

Ayon kay Clarissa Cabrera, misis ng nasapak na lalaki, magpapa-picture lamang sila sa basketball star bago umuwi nang biglang may sumapak sa mister niya.

Isang kaibigan ni Romeo ang sumapak sa kanyang asawa, ayon kay Cabrera.

Hindi agad nagbigay ng panayam si Romeo na sinabing tingnan na lamang ang CCTV video ng pinangyarihang bar sa Tomas Morato.

"Una po, nakapagpa-picture na kami kina Terrence. Pangalawa po, pauwi na kami, nagpapaalam na po kami para magpa-picture ulit. Nagulat na lang po kami may bigla pong sumapak hanggang sa nagkagulo na po," kuwento ni Cabrera sa DZMM. 

Nakunan pa ng ginang ng mga larawan at video ang insidente kung saan may nadamay pang ilang kasama ni Cabrera. Pero kuwento niya, nang ipakita na nila ang mga ito sa kampo ni Romeo, itinanggi ng basketbolista na kakilala niya ang nanapak sa lalaki.

Ayon sa pulisya, nakapag-usap na ang dalawang kampo at wala namang reklamo isinampa ang kampo ni Cabrera.

Noong isang linggo lamang, nasangkot ang Gilas Pilipinas, kasama si Romeo, sa isang bugbugan na siyang nagpatigil sa laro ng koponan laban sa Australia. --ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.