MPBL: Abu Tratter, nadismaya sa proseso ng liga sa height measurement

ABS-CBN News

Posted at Jun 14 2018 06:36 PM

Lalaro sana para sa Bataan Defenders ang dating De La Salle Green Archer na si Abu Tratter.

Pero makaraang magdaan siya sa first height measurement na ginawa ng liga, hindi na siyang nag-abalang bumalik pa.

Hindi pumasa sa 6-foot-4 height limit ang Fil-American matapos siyang masukat sa tangkad na 6-foot-5. Maaari pa naman siyang magdaan sa pangalawang measurement pero hindi raw niya nagustuhan ang pakikitungo ng mga tauhan ng liga sa kanya. 

“I believe that it wasn’t really about the height, but really something deeper than that,” ani Tratter sa isang artikulong ipinost sa Spin.ph.

Naging mahigpit na ang MPBL sa pagpapatupad ng kanilang height limit para sa mga umano'y Fil-foreign player. Nilimita rin nila sa isang Fil-foreign player lang kada isang team. Paraan daw ito ng liga para masigurong pantay-pantay ang lakas ng bawat kasaping koponan.

“There’s a lot of cases, and it wasn’t just me, that the players are being measured for what reason? So that they can exclude people?” tanong ni Tratter. “I think that in this time and age, it’s not right for people to be segregated just based of either height or appearance.”

Bagamat hindi na niya itinuloy ang planong pagsali sa MPBL, tuloy pa rin naman ang kaniyang suporta sa koponan ng Bataan.

“I would be supporting them all the way through. I wish them all the best of luck and I hope they win it all,” aniya.

Itutuloy na lang ni Tratter ang kaniyang pag-eensayo bilang miyembro ng Gilas Pilipinas cadets at pagsali sa Marinerong Pilipino sa PBA D-League Foundation Cup.

For more sports coverage, visit the ABS-CBN Sports website.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.