MPBL: Layunin ni Pacquiao, bigyan ng pagkakataon ang mga homegrown player

Dennis Gasgonia, ABS-CBN News

Posted at Jun 13 2018 08:15 PM

Ayaw ni Manny Pacquiao na masasapawan ang mga homegrown player sa kaniyang liga. Mark Demayo, ABS-CBN News

Para kay Manny Pacquiao tama lang na mapanatili nila ang polisiya ng Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) sa pagkuha ng mga tinaguriang "Fil-foreign" player.

Dagdag ng founder ng liga, hindi rin napapanahong magpasok ng imports sa MPBL dahil sasalungat ito sa layunin nilang mapalakas ang domestic basketball.

“Wala munang (imports), nasasapawan kasi ang mga Pilipino. Dati ang lakas ng PBA nu'ng puro mga Pilipino. Humina na nu'ng nagkaroon ng Fil-Ams, imports,” ani Pacquiao. 

“Bigyan natin ng chance ang mga Pilipino. Kaya ito MPBL, liga ng bawat Pilipino.”

Sa ngayon, pinapayagan lang ang bawat koponan na kumuha ng isang "Fil-foreign" player na hindi tataas ng higit 6-foot-4.

Paraan din nila ito para masigurong balanse ang lakas sa lahat ng kasaping teams sa liga, ani Pacquiao.

Mula sa orihinal na 10 koponan, may 26 na teams na ang MPBL na nahahati sa North and South divisions.

“Balanced naman (ang liga). Istrikto kasi tayo sa pagkuha nila ng Fil-fors, bawal 'yung Fil-Ams above 6-4, kontrolado. At walang imports,” pahayag ni Pacquiao.

Dagdag pa niya, malaki ang tulong na nagagawa ng liga para magkaroon ng dagdag na trabaho sa mga kasaping local government units. 

“Maraming nabigyan ng trabaho at maraming nae-engganyo . . . Actually, nagkaubusan nga ng players dahil sa MPBL,” aniya.

Ang maganda pa umano rito, nabibigyan ng tsansang maglaro kahit mga player na hindi nabiyayaan ng katangkaran.

“Kahit ‘yung maliliit na players, nakakapaglaro,” sabi ni Pacquiao.

For more sports coverage, visit the ABS-CBN Sports website.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.