Pao Javelona, isa pang ABL gradweyt, masaya sa pagkakataong makalaro sa PBA

ABS-CBN News

Posted at May 17 2018 07:54 PM

Sa unang laro niya sa PBA noong Sabado, umiskor si Pao Javelona ng 9 na puntos sa 3-of-3 3-point shooting at 15 minuto laban sa Magnolia. Sinundan niya ito ng 3 puntos at halos 12 minuto kontra NLEX Miyerkoles. PBA Media Bureau

Nagbunga ang pangarap ng ilang mga player na makalaro sa PBA matapos magpakitang-gilas sa katatapos lang na ASEAN Basketball League.

Balik-bansa si Paul Zamar nang alukin siya ng Blackwater na napahanga sa kaniyang laro para sa koponang Mono Vampire sa Thailand.

Binawi naman ng PBA ang lifetime ban na ipinataw kay Renaldo Balkman noon 2013. Ngayon, kasama na muli ng dating Alab Pilipinas import ang mga kakampi sa San Miguel Beer.

Si Pao Javelona, kakampi ni Balkman sa Alab, binigyan din ng pangalawang pagkakataon sa PBA nang pumirma siya ng kontrata sa GlobalPort.

"Sobrang saya ko actually," ani Javelona sa isang panayam sa ABS-CBN Sports Miyerkoles.

"Habang nagre-reply ako sa agent ko, si boss Charlie [Dy], parang nanginginig 'yung kamay ko sa sobrang tuwa. Na-e-excite ako."

Drinaft sa ikatlong round ng Phoenix noong 2016 si Javelona ngunit di siya nakapaglaro.

Kinuha siya ng Alab bago mag-umpisa ang 2017-18 season ng ABL kung saan naging makabuluhan ang papel niya bilang back-up point guard.

Ayon sa dating National University Bulldog, balak sana niyang magbakasyon sa Bacolod pagkatapos manalo ng kampeonato ang Alab, pero nag-iba ang plano niya nang makatanggap siya ng tawag sa GlobalPort.

Sa unang laro niya sa PBA noong Sabado, umiskor si Javelona ng 9 na puntos sa 3-of-3 3-point shooting at 15 minuto laban sa Magnolia. Sinundan niya ito ng 3 puntos at halos 12 minuto kontra NLEX Miyerkoles.

"Siguro parang 'yung mga nangyari sa'kin ginawa kong motivation 'yun para pag-igihan ko pa 'yung ginagawa ko at tsaka makarating ako sa kung saan man ako ngayon," ani Javelona.

For more sports coverage, visit the ABS-CBN Sports website.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.