'Usain Bolt' ng Palaro, alay sa yumaong lola ang tagumpay; target ang ASEAN Para Games

Karl Cedrick Basco, ABS-CBN News

Posted at Apr 17 2018 05:13 PM

Nag-ala Usain Bolt si Anthon Roy Formentera ng Davao City matapos manguna sa 200m run para sa special athletes sa 2018 Palarong Pambansa sa Ilocos Sur Martes. Mark Demayo, ABS-CBN News

ILOCOS SUR -- Habang sunod-sunod ang nahihimatay na mga manlalaro sa oval ng Quirino Stadium dahil sa sobrang init, nagpakitang-gilas ang isang special athlete mula Davao City na ikinatuwa ng maraming manonood. 

Matapos tumakbo sa ilalim ng tirik na araw, nagawa pang mag-pose ni Anthon Roy Formentera sa may finish line na ala Usain Bolt, ang itinuturing na fastest man in the world. 

Naghiyawan ang mga manonood nang muli niyang ulitin ito. Bakas sa mukha ng atleta ang tuwa na siya ang nanguna sa 200m run para sa mga may kapansanang manlalaro sa 2018 Palarong Pambansa.
 
Limang beses nang nakakarating sa Palaro si Formentera para sa mga espesyal na kompetisyon kung saan tumabo na siya ng maraming medalya kabilang ang tatlong ginto noong 2017 sa Antique.

Subalit tila mas espesyal para sa kanya ang tagumpay dito sa Ilocos Sur dahil alay niya ang medalya para sa kanyang pumanaw na lola. Yumao ang kanyang mahal sa buhay noong nakaraang taon. 

"Sobrang iyak ako noon," maikli niyang sagot sa ABS-CBN News. 

Hindi lamang basta lola ang nawala rito; nawalan din siya ng kasama sa buhay. Sa kasalukuyan, mag-isang naninirahan si Formentera, na kabilang sa mga person with intellectual disability, sa Davao City dahil wala na rin ang kaniyang mga magulang at wala rin naman siyang kapatid.

"Mag-isa lang ako sa bahay, minsan kasama ko barkada ko. Ako mag-isa nagluluto para sa sarili ko," kuwento ng 21-anyos na si Formentera.

Ayon sa kaniyang coach na si Elena Maxey, sila na ang nag-aasikaso kay Formentera simula na maabandona noong nakaraang taon. 

Nagsimulang makilala ni Maxey ang kaniyang estudyante nang i-enroll ito sa SPEd center noong 2013. Aniya, hindi naging madali ang hubugin si Formentera bilang isang atleta ng track and field dahil na rin sa kondisyon nito. 

"Walang retention sa kaniya kaya medyo naging mahirap. At the start, 'di siya nakikinig," salaysay si Maxey. "Pero nang kinalaunan, nakikinig na siya. Natuto na siya."

Bukod sa pag-eensayo, abala rin si Formentera sa mga vocational studies niya kagaya ng pagluluto. Madalas daw, ito ang tagapag-benta ng waffle at mga puto. 

Kinakitaan din ng kasipagan ang manlalaro lalo pa't minsan siya pa ang nag-ga-gardening sa kanilang paaralan.

Nais niyang katawanin ang Pilipinas sa mga international na kompetisyon para sa mga kagaya niyang espesyal na mga atleta. 

Nais niyang sundan ang yapak ang kaniyang idolong si Usain Bolt na makapag-uwi ng gintong medalya mula sa Olimpiyada. 

Para sa iba pang balitang pampalakasan, pumunta sa website ng ABS-CBN Sports.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.