Palarong Pambansa 2018, umarangkada na

ABS-CBN News

Posted at Apr 15 2018 07:32 PM

Umarangkada nitong Linggo sa Ilocos Sur ang Palarong Pambansa 2018, na lalahukan ng higit 15,000 estudyanteng-atleta mula sa iba't ibang panig ng bansa.

Sa gitna ng tirik ng araw, pumarada ang mga atleta para sa pagsisimula ng taunang multi-sport event.

Naghanda ang mga koponan ng bawat rehiyon ng mga nakaaagaw-pansing kasuotan, props, at choreography.

Nagpakitang gilas din ang Philippine Air Force sa isang skydiving exhibition.

Nanguna naman sa parade of colors ang Reserve Officers' Training Corps (ROTC) cadets mula sa northern Philippines at ang mga tanyag na atletang sina Efren Bata Reyes, Elma Muros, Paeng Nepomuceno, Eugene Torre, Mon Fernandez, Hidilyn Diaz, at Luis Gabriel Moreno.

Si Moreno ang nagsilbing torch bearer at nagpakitang gilas sa archery para pailawan ang friendship cauldron, na naghudyat sa pormal na pagbubukas ng palaro.

Dumalo rin sa okasyon si Pangulong Rodrigo Duterte bilang panauhing pandangal.

Sa kaniyang talumpati, tiniyak ni Duterte na patuloy na nagsisikap ang gobyerno para mahinto ang problema sa droga.

Hinimok din ng Pangulo ang mga atleta na patuloy na magpakita ng kagandahang asal at hasain ang kanilang mga kakayahan.

"Being a delegate in the Palarong Pambansa is just one of the many firsts in your journey towards success. Embody good values and enhance your skills, for this is the beginning of your greater participation in national building," sabi ni Duterte sa mga atleta.

Pormal na magsisimula ang mga laro sa Lunes.

Nangako naman ang koponan mula National Capital Region (NCR) na mapapanatili nila ang pagiging kampeon sa Palaro.

-- Ulat ni Grace Alba, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.